TRO sa website block ng NTC, inihain ng Bulatlat

TRO sa website block ng NTC, inihain ng Bulatlat

July 10, 2022 @ 11:08 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagsampa ng reklamo ang independiyenteng news outlet na Bulatlat noong Biyernes sa korte sa Quezon City na hinahamon ang utos ng National Telecommunications Commission na i-block ang website nito at ng iba pang organisasyon na umano’y naka-link sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Hiniling ng Alipato Media Center, na namamahala sa Bulatlat, ang pagpapalabas ng temporary restraining order at writ of preliminary injunction laban sa NTC memorandum na inilabas noong Hunyo 8.

Hinihiling din ng complainant, na kinakatawan ng National Union of People’s Lawyers, sa korte na ipawalang-bisa ang utos ng NTC at bigyan sila ng P1.00 para sa pinsala.

Nanindigan ang Bulatlat na hindi ito kaanib sa partido komunista.

“Plaintiff and any person serving in the editorial board as well as staff of Bulatlat.com are not in any way affiliated to and/or are supporting terrorists and terrorist organizations,” saad sa 11-pahinang reklamo.

“As there is no factual or legal bases therefore, none of them is designated, much less being prosecuted for any of the prohibited acts under RA 11479 or the ‘Anti-Terrorism Act of 2020,'” dagdag pa rito.

Ang utos ng NTC ay inilabas kasunod ng kahilingan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na ipagbawal ang pag-access sa mga website na direktang naka-link sa CPP-NPA-NDF.

Binanggit din ni Bulatlat na ang organisasyon ng media ay hindi itinalaga ng Anti-Terror Council at ang pagharang ng isang website ay hindi pinapahintulutan ng Anti-Terrorism Act.

“There is no danger, real, imminent, clear and/or present danger that would pass the standard of strict scrutiny to justify the blocking of access to the Plaintiff’s website,” saad pa sa reklamo.

“Besides, the NTC has no power, as stated above, to order the blocking of a website of an entity alleged to be ‘affiliated to’ or ‘supporting terrorists and terrorist organizations’ without judicial imprimatur.” RNT