Truck ban sa Navotas ikakasa ulit

Truck ban sa Navotas ikakasa ulit

November 9, 2022 @ 11:27 AM 3 weeks ago


NAVOTAS – MULING ipatutupad ng lungsod ng Navotas ang truck ban sa darating na araw ng Nobyembre 14, 2022.

Ang mga sasakyang may walo o higit pang gulong tulad ng cargo at freight trucks o may kabuuang timbang na 4,500 kilograms kabilang ang tractor trailers at container haulers ay ipinagbabawal tumawid mula M. Naval St., Agora hanggang Bagumbayan-Bangkulasi Bridge at mula C-4 Road patungong Brgy. Tangos North; Gov. Pascual St.; C4 Road at H. Lopez Boulevard.

Ipatutupad ang truck ban Lunes hanggang Sabado maliban kapag holidays mula alas-6:00 hanggang  alas-10:00 ng umaga at alas-4:00 hanggang alas-8:00 ng gabi habang sa mga oras na libre at puwede ay pinapayagan ang mga trak sa mga itinalagang truck lanes.

“People are back to commuting to and from work now that businesses and various industries are fully operational.  Through the reimplementation of the truck ban, we hope to ease traffic congestion and make the commute less burdensome ,” ani Navotas City Mayor John Rey Tiangco.

Ang  total truck ban ay ipapataw din sa kahabaan ng Lapu-lapu Avenue at San Rafael Village, maliban sa mga sasakyang pag-aari ng mga negosyante sa nabanggit na lugar.

Samantala, ang C3 Road patungong  Caloocan-Navotas boundary maging ang C-3 at R-10 Roads patungong Manila ay kilalang special truck lanes at bukas sa lahat ng daanan ng sasakyan sa itinalagang lugar.

Ang mga trak na may kargang nabubulok ay maaaring mag apply para sa Special Pass mula sa City Traffic and Parking Management Office upang magamit ang non-truck lanes at maiwasan ang pagkaliban ng pagdeliber ng produkto.

Sinuman na lalabag ay papatawan ng P5,000 multa at iba pang parusa mula sa Navotas City Traffic Management Code. R.A Marquez