Truck ban sa Roxas blvd ikakasa

Truck ban sa Roxas blvd ikakasa

October 20, 2022 @ 7:38 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ipagbabawal nang dumaan ang mga trak sa Roxas Boulevard sa buong panahon na may isinasagawang konstruksyon dito, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ani MMDA chief Carlo Dimayuga III nakasailalim ito sa MMDA Resolution No. 22-16.

Sa nasabing resolusyon, ang mga trak at trailer na may bigat na 4,500 kilo ay pansamantalang ipinagbabawal na dumaan sa Roxas Boulevard, Maynila.

“While there is an ongoing construction with DPWH (Department of Public Works and Highways), bawal po muna ang mga trucks doon at meron po tayong proposed alternate truck routes sa kanila,” ani Dimayuga.

“It’s temporary hanggang sa matapos lang po ‘yung construction na ginagawa ng DPWH. That’s why we proposed the truck ban kasi sobrang traffic po kasi noon,” dagdag pa niya.

Samantala, ang MMDA ay nagbigay ng mga sumusunod na alternatibong ruta para sa mga trak:

Mula SLEX hanggang Port Area:
Mula South Luzon Expressway diretso sa Osmeña Highway hanggang Pres. Quirino Avenue, kumaliwa sa Plaza Dilao patungong Pres. Quirino Ext., kaliwa sa U.N Avenue, kumanan sa Romualdez, kaliwa sa Ayala Avenue/P. Burgos Avenue, pagkatapos ay kumanan sa Bonifacio Drive sa destinasyon.

Mula sa Port Area hanggang SLEX:
Mula sa Bonifacio Drive, kumaliwa sa P. Burgos/Ayala Blvd. tapos kumanan sa San Marcelino, kumaliwa sa Pres. Quirino Avenue saka kumanan sa Pres. Osmeña highway papuntang SLEX.

Ang pagpapatupad ng truck ban ay ipatutupad 15 araw pagkatapos mailathala ang resolusyon.

Matatagpuan ang construction sa harap mismo ng US Embassy sa kahabaan ng Roxas Boulevard. RNT