Truck driver na sangkot sa aksidente sa Caloocan pinagpapaliwanag ng LTO

Truck driver na sangkot sa aksidente sa Caloocan pinagpapaliwanag ng LTO

January 22, 2023 @ 11:02 AM 5 days ago


MANILA, Philippines – Inisyuhan na ng show cause order (SCO) ng Land Transportation Office-National Capital Region West (LTO-NCR West) nitong Biyernes, Enero 20 ang driver ng truck na nasangkot sa aksidenteng naganap sa Caloocan City noong Martes, Enero 17.

Personal na iniabot nina LTO-NCR West Regional Director Roque I. Verzosa III, Chief Legal Officer, Atty. Dennis Barrion, at ilang tauhan ng kanilang law enforcement ang SCO, at kasabay nito ay sinuspinde rin ng siyamnapung (90) araw ang lisensya ng nasabing drayber.

Hindi muna pinangalanan ang drayber ng truck habang nakabinbin ang imbestigasyon sa kaso.

Ayon sa LTO nangyari ang aksidente sa Deparo Road, malapit sa kanto ng De Gracia Street, Barangay 168, Caloocan City, bandang 7:30 ng umaga.

Sa kasawiang palad ay nasawi ang isang 24-anyos na babaeng angkas sa isang motorsiklo nang mabangga ng truck na minamaneho ng nasabing sangkot na drayber.

Kasalukuyan naman nakapiit ang truck driver sa Police Sub-Station 9, Congressional Road Extension, North Caloocan para sumailalim sa imbestigasyon at harapin ang karampatang parusa.

Samantala, muling pinaalalahanan ni Verzosa ang mga motorista na laging mag-ingat kapag nagmamaneho upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.

Kaugnay nito pinaalalahanan ng LTO NCR ang mga motorista na maging maingat at mapagbigay sa daan para makaiwas sa aksidente. Santi Celario