Truck driver tepok sa nakamotorsiklo

Truck driver tepok sa nakamotorsiklo

May 19, 2022 @ 10:00 AM 1 month ago


CAUAYAN CITY- Binaunan ng bala ng baril ang isang truck driver ng lalaking naka-motorsiklo bunsod ng away sa daan, nitong Miyerkules sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Danilo Bramaje, 42-anyos at residente ng Barangay Gappal, Cauayan City.

Batay sa report ng Cauayan City Police Station, dakong 9:00 AM naganap ang krimen sa tapat ng Sea Oil gasoline station sa may national highway ng sakop ng Barangay Fermin, ng naturang lungsod.

Base sa kuha sa CCTV sa lugar, minamaneho ng biktima 10-wheeler truck at minaniobra niya ito papasok sa kanyang pinagtatrabahuhan.

Binabaybay naman ng suspek ang linya ang kalsada sakay ng Honda beat na motorsiklo angkas ang isang lalaki.

Paglagpas ng suspek sa truck, bigla na lamang itong huminto sa gitna ng kalsada at nilapitan ang biktima kaya naman bumaba ng truck si Bramaje at kinausap ang suspek.

Dito, bigla na lamang bumunot ng .45 kalibre na baril ang suspek at binaril sa dibdib ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen kaswal na naglakad ang suspek papunta sa kanyang motorsiklo kasama ang angkas saka mabilis na humarurot patakas.

Inaalam na ngayon ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa suspek para sa agaran ikadarakip nito./Mary Anne Sapico