Trust, satisfaction ratings ni Bong Go sumirit

Trust, satisfaction ratings ni Bong Go sumirit

December 5, 2022 @ 3:49 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dahil sa mas mataas na trust at satisfaction ratings, pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang sambayanang Pilipino sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na maglingkod kaya muli niyang idiniin ang pangakong patuloy na tutulong sa mas mahihinang sektor sa buong bansa.

“Gusto kong pasalamatan ang lahat ng patuloy na sumusuporta at nagtitiwala sa akin. Sa totoo lang, ako, tulad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay isang simpleng probinsyano na nabigyan ng pagkakataong maglingkod sa bayan,” ani Go.

Batay sa resulta ng survey ng Tugon ng Masa (TNM) 2022 Fourth Quarter ng OCTA Research, nagtala ang senador ng 74% overall trust rating noong Oktubre 2022, mas mataas ng 24% kumpara sa kanyang rating noong Disyembre 2021 na 50%.

Ang October 2022 performance rating ni Go na 71% ay isang markadong pagtaas din mula sa kanyang Disyembre 2021 na rating na 50% sa lahat ng pangunahing lugar at socio-economic classes.

Bawat rehiyon, 100% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino sa Cordillera Administrative Region ay nagtitiwala at nasisiyahan sa mga ginagawa ni Go.

Nakatanggap din siya ng buong marka sa usapin ng pagtitiwala sa mga rehiyon ng Ilocos at Davao.

Ang TNM National Survey ay isang independiyente at hindi kinomisyong survey na regular na isinasagawa ng OCTA Research. Isinagawa ang subject poll mula Oktubre 23 hanggang 27, 2022 na may 1,200 lalaki at babae na probability respondents na edad 18 anyos pataas mula sa Class AB, C, D o E.

“Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ‘yon, magseserbisyo po ako sa inyo sa abot ng aking makakaya. Hindi po ako pulitiko na mangangako na kaya ko’ng gawin ito. Hindi po ako ganon. Sisikapin ko lang po na makapagserbisyo po sa inyong lahat sa abot ng aking makakaya dahil ako po ay naniniwala na ang serbisyo po sa tao, serbisyo po ‘yan sa Diyos,” idiniin ni Go.

Katulad noong 18th Congress, patuloy na pinamumunuan ni Go ang Senate committees on health at ang sports.

Sa panahon ng 18th Congress, iniakda niya ang iba’t ibang landmark na batas, kabilang ang Malasakit Centers Act of 2019.

Habang nagsisilbi bilang Special Assistant to the President ng Duterte Administration, pinangunahan niya ang paglulunsad ng Malasakit Centers Program na naglagay sa iisang bubong sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng tulong medikal sa mga mahihirap pasyente, tulad ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ang brainchild program na ito ni Go ay patuloy na nakapagbibigay ng ginhawa sa mga Pilipinong mabawasan ang kanilang mga bayarin sa ospital sa pinakaposibleng mababang halaga.

Sa ngayon ay mayroon nang 153 Malasakit Centers sa lahat ng rehiyon sa buong bansa at napakinabangan na ng mahigit 4 milyong Pilipino.

Sa isang katulad na survey na isinagawa sa parehong panahon ng OCTA Research, 73% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nagpahayag ng kasiyahan sa pambansang pamahalaan na makapagbigay ng kalidad at abot-kayang pangangalagang pangkalusugan.

“Magsisilbing inspirasyon ko ang mga ratings na ito para lalo pang magtrabaho hangga’t kaya ng katawan ko. Bisyo ko ang magserbisyo. At naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos,” ayon kay Go. RNT