Tsansa ng pagkakaroon ng diabetes mas mataas sa taong tinamaan ng COVID

Tsansa ng pagkakaroon ng diabetes mas mataas sa taong tinamaan ng COVID

November 13, 2022 @ 3:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health na mas malaki ang banta ng pagkakaroon ng diabetes sa mga madadapuan ng COVID-19 base sa isang pag-aaral.

Paliwanag ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, mayroong “bi-directional relationship” ang COVID-19 virus at ang diabetes.

Nangangahulugan na may malaking panganib ang isang taong nagkaroon ng COVID-19 na magkaroon ng diabetes at ito aniya ay natuklasan sa pag-aaral na nangyayari sa mga pasyente.

Nakasaad sa isang artikulo sa Weekly International Science Journal na Nature, na ang taong dinapuan ng COVID-19 kahit mild lang ang impeksyon ay mataas ang banta na magkaroon ng diabetes kahit isang taon na ang nakalipas.

“Sabi nga nila, yun pong mga nagkakaroon ng COVID-19–survived, COVID-19–exhibited a 40 percent risk of incident diabetes. Pero syempre, we do not want to generalize this also among the entire population. Ang sa atin, we need to be cautious,” dagdag ng opisyal.

Pinayuhan din ni Vergeire  ang lahat na alamin kung may history ang kanilang pamilya ng pagkakaroon ng diabetes para mas higit na makapaghanda.

“Halimbawa, meron tayong increase risk to having this disease–ang weight natin mataas. So, mas mataas na yung risk natin for diabetes, tapos pag nagkaroon pa tayo ng infection ng COVID-19, baka nadadagdagan pa yung risk natin,” paliwanag pa ni Vergeire.

Giit ng opisyal, ang pinakamahusay na paghahanda laban sa COVID-19 at diabetes ay ang pagpapabakuna, kasunod ang palagian pa ring pagsusuot ng face mask. Jocelyn Tabangcura-Domenden