Tsina sinita ng US sa pag-atras sa climate change talks

Tsina sinita ng US sa pag-atras sa climate change talks

August 7, 2022 @ 2:37 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinuna ng nangungunang diplomat ng Estados Unidos ang desisyon ng Beijing na suspindihin ang nakatakda sanang pakikipagtulungan sa Washington ukol sa climate crisis bunsod ng  tensyon sa Taiwan.

Tinawag ni US Secretary of State Antony Blinken ang nasabing hakbang ng Tsina na “iresponsable”.

“We should not hold hostage cooperation on matters of global concern because of differences between our two countries,” ani Blinken sa isang press conference sa kanyang pagbisita sa Pilipinas noong Sabado.

Idinagdag niya na ang pag-iwas sa climate talks ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang pagkasira para sa planeta.

Noong Biyernes nang inanunsyo ng China ang pagsuspinde sa pakikipagtulungan sa US ukol sa climate change at iba pang mga lugar—kabilang ang pagpapauwi ng mga iligal na imigrante at paglaban sa mga transnational na krimen—pagkatapos bumisita sa Taiwan ni US House Speaker Nancy Pelosi.

Sa kabila nito, sinabi ni Blinken na pananatilihin ng US na bukas ang mga channel ng komunikasyon nito sa China, at “responsableng pangasiwaan” ang sitwasyon upang maiwasan ang higit pang pagkasira ng kanilang relasyon.

“The United States doesn’t believe that it’s in the interest of Taiwan, the region, or our own national security to escalate the situation. I conveyed that directly to Wang Yi, the PRC’s (People’s Republic of China) foreign minister at the East Asia summit just yesterday,” ani Blinken.

Gayunpaman, idinagdag ng opisyal ng US na naniniwala siya na ang mga maniobra ng militar ng Beijing bilang tugon sa tinatawag niyang mapayapang pagbisita ay hindi magkasingbigat, at hindi dapat gamitin ng East Asian giant ang paglalakbay ni Pelosi bilang isang “pretext” para sa mga agresibong aksyon patungo sa Taiwan.

Matapos tuligsain ang pagbisita ni Pelosi, nagpaputok ang China ng mga missile malapit sa Taiwan noong Huwebes

. Sinabi rin ng gobyerno ng Taiwan na ang mga barkong pandigma at sasakyang panghimpapawid ng China ay nagpatuloy sa mga pagsasanay sa tubig sa paligid ng isla.

Sa parehong briefing, sinabi ni Philippine Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na nakahanda ang bansa at iba pang member-states ng Association of Southeast Asian Nations na tumulong sa pagpapababa ng tensyon sa pagitan ng dalawang malalaking kapangyarihan. RNT