Tsino na top 1 most wanted sa Maynila, arestado!

Tsino na top 1 most wanted sa Maynila, arestado!

March 24, 2022 @ 5:09 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Pasok sa selda ng Manila Police District ang isang 29-anyos na Chinese national nang maaresto at maisilbi sa Guiguinto, Bulacan, Martes ng gabi.

Kinilala ni MPD Director Police Brigadier General Leo “Paco” Francisco ang suspek na si Hong Ji Xu, a.k.a. “K” na kabilang sa top 1 most wanted person sa lungsod ng Maynila.

Batay sa ulat nina Police Major Rommel Anicete, hepe ng MPD-Criminal Investigation Section at ni PLt. Adonis Aguila, hepe ng Homicide Section, kasama si Police Major Alfredo Tan Jr., hepe ng District Warrant and Subpoena Section at ilang tauhan nito ang nagtungo sa kinaroroonan ng suspek sa tulong na rin nang isang impormante, kasama si Det.Sir Christian Joseph Pineda.

Pasado alas-9:00 ng gabi, Marso 22 nang arestuhin sa bisa ng warrant of arrest ang suspek sa tinutuluyan nitong bahay sa Mira Verde Subdivision, Phase 2, Guiguinto, Bulacan.

Si Hong ay may kasong paglabag sa Article 248 ng Revised Penal Code o murder at wala itong inilaang piyansa sa kanyang pansamantalang paglaya.

Nag-ugat ang kaso noong July 13, 2020 matapos na mabaril ng suspek ang kapwa nito Chinese na si Chen Wen Dun, 50-anyos, na ikinamatay ng biktima, dahil lamang sa awayan sa negosyo.

Agad naman pinasalamatan ni MPD Director Police Brig. General Leo “PACO” Francisco ang kanyang mga tauhan dahil sa matagumpay na operasyon. Jhun Mabanag