Tsinoy nag-123 sa hotel, nakipaghabulan sa mga parak

Tsinoy nag-123 sa hotel, nakipaghabulan sa mga parak

July 13, 2021 @ 5:56 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Patong-patung na kaso ang siyang kakaharapin ng Fil-Chinese matapos takasan ang kanyang bill sa hotel at habulin ng pulis mula Quezon City hanggang sa Maynila kaninang umaga.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBRIG General Antonio Yarra ang naaresto na si Arvin Chua Tan, 46 anyos, residente ng No. 49 C 11 corner Gilmore St., New Manila, Q.C.

Ayon kay Kamuning Police Staion 10 commander PLT Col Alex Alberto bandang 10:30 ng umaga (July 13) nang maganap ang insidente sa Hotel Sogo na matatagpuan sa No. 45 Timog Ave., Brgy. South Triangle, QC.

Ayon sa reklamo ni Catherine Pelaez Silva, 40, branch manager ng isang hotel na  bandang alas 11: 00 ng gabi (Hulyo 12), nag-check-in ang suspek at kinabukasan nang lalabas na umano ito nitong Martes, ay tumangging magbayad ng kaniyang bill.

Nagulat pa umano ang mga staff ng hotel na sa halip magbayad ng bill ang suspek ay galit pa itong nanghihingi ng halagang P20,000 sa hindi malamang dahilan.

Dahil dito ay nagkasagutan ang suspek at ang staff ng hotel at dahil sa tila wala sa sarili na nag-aamok na si Tan ay inireport na ito sa Kamuning Police Station 10.

Agad namang nagresponde ang mga pulis at habang nasa kalagitnaan ng komprontasyon ay mabilis na sumakay si Tan sa nakaparada niyang itim na BMW sa parking lot ng hotel, pinaharurot  at binangga ang nakaparadang mobile car ng mga awtoridad, maging ang NMAX motorcycle na sinasakyan ng isang nakilalang PMSg Tagulao.

Tumakas ang suspek hanggang sa nagkaroon ng ‘hot pursuit operation’ kung saan ay binangga din ni Tan ang mga sinusundang mga pribadong behikulo, maging ang nadaaanang LTO mobile cars, mga motorsiklo at iba pang mga sasakyan.

Umabot ang ‘hot pursuit operation’  sa kahabaan ng Recto Ave., sa kanto Nicanor Reyes St., sa Maynila kungg saan  nakorner ng mga otoridad ang suspek at nadakip.

Nakapiit na sa QCPD Kamuning Police Station 10 habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa estafa, resistance and disobedience to a person in authority at multiple damage to property. Jan Sinocruz