Tsuper kalaboso sa patong-patong na reklamo sa child abuse

Tsuper kalaboso sa patong-patong na reklamo sa child abuse

November 21, 2022 @ 2:39 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kulungan ang hinantungan ng isang 55-anyos na lalaki makaraang sampahan ito ng patong-patong na kaso sa di-umano’y pang-aabuso, sa Lungsod ng San Jose, Lalawigan ng Nueva Ecija nitong Sabado, Nobyembre 18.

Sa ulat ni P/Lt. Col. Marlon M. Cudal, hepe ng pulisya, kay Nueva Ecija director, P/Col. Richard Caballero, kinilala ang arestadong suspek na si Jerry Guevarra Medina, alyas Gerry Paulino Medina, may asawa, driver,
residente ng Zone 8, Pabalan Subdivision, Barangay Abar 1st, San Jose City, Nueva Ecija.

Sa report ng pulisya, ganap na 11:40 ng umaga ng ikasa ang Manhunt Charlie Operation sa nasabing barangay nang pinagsanib na pwersa nang Tracker team at Warrant Personnel ng San Jose City Police Station na pinangunahan ni P/Major Aniceto Caraang sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Cudal (lead unit).

Kasama rin sa isinagawang operasyon ang ilang tauhan mula sa Nueva Ecija 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa pangunguna ni Force Commander, P/Lt. Col. Joseph R. Sta. Cruz; 303rd Maneuver Company at Regional Mobile Force Batallion 3 (RMFB3).

Hindi na nagawa pang pumalag ng suspek matapos na ihain dito ang reklamo ng paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Anti-Child Abuse Law) 10(A) ng Republic Act 7610 na may Criminal Cases number 7461-2022-SJC at 7462-2022-SJC na inisyu noong Nobyembre 14 ng Regional Trial Court (RTC) Branch 38, San Jose City, Nueva Ecija, na may piyansa sa halagang Php 80,000.

Pansamantala ang suspek ay nasa ilalim ng kustodiya ng nabatid na istasyon ng pulisya. Elsa Navallo