Tubig-poso, ipinagbawal sa Oriental Mindoro

Tubig-poso, ipinagbawal sa Oriental Mindoro

March 6, 2023 @ 10:26 AM 3 weeks ago


ORIENTAL MINDORO- Mahigpit na ipinagbabawal sa ngayon ang paggamit ng tubig-poso o water pump sa lalawigang ito dahil sa oil spill mula sa lumubog na motor tanker sa bayan ng Pola simula kahapon (Linggo.)

Ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, isinailalim sa state of calamity ang nasabing bayan dahil sa malawak na ang sinakop ng pagkalat na langis sa baybaying dagat na sakop ng Pola.

Nagpatupad na rin ng curfew ang lokal na pamahalaan ng Pola mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga sa mga residenteng may edad 15 hanggang 21, para maiwasan ang pagpunta ng mga kabataan sa mga lugar na apektado ng oil spill.

Aniya, hangga’t hindi pa lumalabas ang resulta ng pagsusuring gagawin sa tubig sa nabanggit na bayan ay hindi muna maaring gumagamit ang mga residente ng tubig na mula sa poso para maiwasan na madapuan ng sakit.

Dagdag pa ng gobernador na nagtutulong-tulong ang pamahalaang panlalawigan at pamahalaang lokal na magdadala ng mga tubig inumin para sa mga residente.

Inatasan na rin ng gobernador ang lahat ng mga opisyal ng barangay na i-monitor ang kanilang mga nasasakupan na malapit na baybayin kapag may nakikita silang oil spill at itigil na muna ang pagkuha ng tubig sa kanilang mga poso.

Nauna rito, nagpalabas ng babala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ilang mga lugar sa lalawigan hinggil sa oil spill mula sa MT Princess Empress na lumubog na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil na kumalat sa iba’t ibang munisipalidad sa Oriental Mindoro gayundin sa Caluyan sa Antique.

Pinangangambahan rin ni PCG Western Visayas Chief of Staff Commander Jansen Benjamin na posibleng umabot pa ang pagkalat ng langis sa isla ng Boracay sa Malay, Aklan. Mary Anne Sapico