Tubig sa Angat Dam limitado pero napaghandaan — NWRB exec

Tubig sa Angat Dam limitado pero napaghandaan — NWRB exec

January 29, 2022 @ 3:39 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Limitado man ang tubig sa Angat Dam na sumusuplay sa 95% ng bahagi ng Metro Manila at karatig probinsya, nakapaghanda naman ang National Water Resources Board at ibang government agencies lalo pa at paparating ang dry season.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni NWRB executive director Dr. Sevillo David, Jr., ang lebel ng tubig sa Angat dam ay nasa 197.85 metro lamang.

Batay sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang normal na taas ng lebel ng tubig ay nasa 210 metro.

“Sa ganitong sitwasyon, kailangan nating paghandaan at i-manage ng maayos itong limitadong suplay ng tubig sa Angat Dam para naman po sa panahon ng tag-init.”

Nakikipag-ugnayan na rin ang NWRB sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at National Irrigation Administration (NIA) ng magiging aksyon para sa gitna ng pandemya.

Nakahanda rin ang MWSS sa water allocation measures.

“Gusto nating masiguro na sustained at maintained po ang kasalukuyang allocation hanggang sa summer po, para mas reliable ang supply ng tubig.”

“Ready na po anytime ang paggamit ng ng mga deep well. Ang MWSS at water concessionaires ay meron pong mga na-establish na water-treatment facilities sa Laguna Lake at dito po sa Marikina River na makatutulong pangdagdag sa suplay ng tubig.  At ready na rin ang tube wells for irrigation,” dagdag pa nito. RNT/FGDC