Tubig sa Angat Dam pinangangambahang bababa sa kritikal na lebel sa Abril- NWRB

Tubig sa Angat Dam pinangangambahang bababa sa kritikal na lebel sa Abril- NWRB

January 4, 2022 @ 4:10 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Maaaring bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa kritikal pagsapit ng Abril, ayon sa National Water Resources Board (NWRB) nitong Martes.

Inilahad ni NWRB executive director Dr. Sevillo David Jr. na batay ito sa water consumption at projected weather.

“Ang critical level na sinasabi po natin ay 180 meters…baka po sa mga bandang buwan ng April ay umabot tayo doon…Ngayon nakikinita po natin by April po ay bababa siya” aniya.

Hindi naabot ng Angat Dam, na nagsusuplay ng 90 porsyento ng tubig sa Maynila, ang inaasahang lebel ng tubig na 212 metro sa pagtatapos ng 2021, base kay David.

Kasalukuyang nasa 202.8 metro ang lebel ng tubig nito, na halos siyam na metrong kapos sa kinakailangang water level, ayon pa kay David.

Dahil dito, umapela si David sa publiko na ngayon pa lamang ay magtipid na ng tubig upang hindi maiwasan ang kakulangan sa mga susunod na buwan.

Iginiit din niya ang kahalagahan ng sapat na suplay ng tubig sa gitna ng pandemya lalo na sa pagsulpot ng Omicron variant sa bansa. RNT/SA