Tugade, Cusi, gigisahin sa naantalang fuel voucher sa jeepney operators

Tugade, Cusi, gigisahin sa naantalang fuel voucher sa jeepney operators

July 13, 2018 @ 3:55 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Ipinatawag ng Senate committee on public services ang dalawang mataas na opisyal ng pamahalaan upang matukoy kung naibigay na o hindi pa ang ipinangakong fuel voucher sa mga jeepney operators na lubhang naapektuhan ng bagong sistema ng pagbubuwis.

Sa kanyang pahayag kahapon, sinabi ni Senador Grace Poe na nakatakdang magsagawa ng ikatlong public hearing ang komite hinggil sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa pampublikong serbisyo at utilities partikular sa transportasyon, gatong, elektrisidad at tubig.

Gaganapin ang pagdinig sa Miyerkules, July 18, dakong 10 am, sa  University of Science and Technology Southern Philippines’ Engineering Complex, Performing Arts Theater, 6th floor, C. M. Recto Avenue, Lapasan, Cagayan de Oro City, lalawigan ng Misamis Oriental.

Inimbitahan ng lupon sina Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade, Socioeconomic Planning Sec. Ernesto Pernia, Finance Sec. Carlos Dominguez III and Energy Sec. Alfonso Cusi, pati si Cagayan de Oro Mayor Oscar Moreno and Vice Mayor Raineir Uy, at mga Mindanao transport leaders.

“Gusto nating malaman kung paano ipamamahagi ang yung mga voucher na ibibigay sa mga operator ng public utility jeep, yung mga tulong para sa pagtaas ng gasolina, ang pagdagdag ng apat na milyong pamilya pa sa unconditional cash transfer program ng gobyerno,” ayon kay Poe.

Sa naunang pagdinig, hinikayat ni Poe ang mga miyembro ng Gabinete na kaagad ipalabas ang subsidy sa mga beneficiaries tulad ng fuel vouchers sa mga jeepney drivers, fare discounts at rice subsidies sa may mababang sahod at tulong pinansiiyal sa mga mahihirap na pamilya at  indigent senior citizens.

“Kailangang marinig naman natin ang daing nila at kung totoo ba ang pangako ng DOTr na magbibigay na sila ng subsidiya o kung ‘di pa nila natatanggap, lalung-lalo na sa mga drivers natin diyan sa Mindanao. Ang importante ay ang pagtulong sa ating mga kababayan ngayon,” giit ni Poe.

Tatakayin din ng komite ang ilang panukala na naglalayong magtayo ng  district offices ng Land Transportation Office sa Mindanao, kabilang ang mga franchise applications ng mga local broadcast stations sa rehiyon. (Ernie Reyes)