Tugade kinalampag sa mataas na taripa sa PPA

Tugade kinalampag sa mataas na taripa sa PPA

February 23, 2022 @ 6:05 AM 4 months ago


Manila, Philippines-Sa gitna ng matinding panawagan at tutol mula sa taumbayan at mga eksperto laban sa Philippine Ports Authority na nagtaas ng taripa na magdudulot ng labis na price increase ng pagkain at iba pang basic consumer goods, wala pa ring tugon ang PPA Board na pinamumunuan ni DoTr Secretary Arthur Tugade.

Kabilang din sa PPA Board members sina Finance Secretary Carlos Dominguez at DTI Secretary Ramon Lopez.

Nabatid na ang PPA Board of Directors ang nangangasiwa sa aktibidad ng Philippine Ports Authority.

Sa Tacloban, umaangal ang taumbayan at Philippine Chamber of Commerce Tacloban-Leyte dahil sa nangyayaring pagtaas ng presyo ng mga bilihin na itinuturing na prime commodities, katulad ng bigas, mais, itlog at gatas na aabot sa 94% ang taas ng bagong taripa.

Dahil dito maaaring mag triple ang halaga ng asukal.  Ang mga bakal na katulad ng steel rods na ginagamit sa pagtatayo ng gusali ay 360% ang itataas ng taripa.  Ang pagtataas ng taripa na ito ay hindi lamang sa Tacloban kundi sa Puerto Princesa, Ormoc, Zamboanga at sampu pang pantalan kung saan binigyan ng PPA ng kontrata ang bagong cargo handling Operator.

Matatandaan na pinaikutan lang ni PPA General Manager Jay Santiago ang mga alintana ng National Economic Development Authority itong nakaraang linggo.  Ito ay makikita sa mga sagot ni Santiago sa resolusyon ng NEDA na i-suspinde ang pagtutupad ng bagong taripa.

Ayon kay Santiago, ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na dulot ng taas-taripa ay tatapatan ng taas ng kalidad ng serbisyo.

Ayon naman sa Tacloban ay wala nang maitatas pa na kalidad ng serbisyo dahil ang lahat ng kailangan para sa cargo handling sa pantalan ay kumpleto na.

Bukod sa taas taripa, noong nakaraang taon, naghain si Senadora Hontiveros ng Resolution 775 na nananawagan na gawan ng pagsusuri ang polisiya ng PPA na nakapagbigay lakas sa pagtaas ng taripa.

Si Congressman Alfonso Umali din ay naghain ng House Resolution 1822 na ayon sa kanya ay may bahid ng korapsyon.  Si Congressman Umali at First District Representative Saulino Leachon ay sumulat na rin kay Presidente Duterte na ipaimbestiga ang PPA dahil sa pagbigay ng cargo handling kontrata sa paboradong Operator.  Pinangalanan niya itong Operator na si Prudential Customs Brokerage Services Inc. na ang may ari ay si Rommel Ibuna ng Maynila.

Isa pang kompanya na palagi rin na nabibigyan ng kontrata ay ang isang Joint Ventura na ang nagma-may-ari ay si Michael Romero, Deputy House Speaker.

Ngunit, sa laot ng madaming reklamo, hindi pa rin kumikilos ang PPA Board at hinahayaan na lang na si Santiago ang sumagot.

Malakas ang ugong sa industriya na kapansin-pansin na timing ng pagtaas ng presyo sa ikahuling termino ng mga nahirang na sina Santiago, at ang pagbigay ng kontrata sa dalawa lamang na malaking kompanya.

Ayon sa kanila, kawalanghiyaan na na sa gitna ng pandemya, sa gitna ng mataas na presyo ng langis, sa gitna ng daang libong nawalan ng hanap buhay ay ang gobyerno mismo ang gagatong sa hirap ng sambayanan. RNT