Tugon ng Comelec sa petisyong inihain vs BSKE postponement pinaghahandaan na

Tugon ng Comelec sa petisyong inihain vs BSKE postponement pinaghahandaan na

October 19, 2022 @ 6:56 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihahanda na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsagot sa petisyon na inihain ng isang election lawyer na kumukuwestiyon sa legalidad ng batas na nagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa susunod na taon.

“The Comelec is currently working closely with the Office of the Solicitor General (OSG) to draft our comment to the Petition filed by Atty. Romulo Macalintal questioning the constitutionality of RA (Republic Act) 11935, the law postponing the Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE),” sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia sa kanyang pahayag ngayong Miyerkules, Oktubre 19.

Dagdag pa ni Garcia, naghahanda na rin sila sa oral argument ng Korte Suprema sa usapin na nakatakda naman sa Biyernes.

Inulit ng Comelec na bukas ang poll body sa petisyon dahil ito ang magdedetermina kung sino ang may kapangyarihang palawigin ang mga termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at kabataan.

Sa kabilang banda, sinabi ni Garcia na susundin nila ang desisyon ng Korte Suprema sa petisyon na inihain ng election lawyer.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas na magpapaliban sa barangay at SK elections sa Disyembre 5, 2022 patungong Oktubre 30, 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden