Tugon ni Gatchalian sa 20M bilang ng mahihirap: Inclusive growth, social protection susi vs kahirapan

Tugon ni Gatchalian sa 20M bilang ng mahihirap: Inclusive growth, social protection susi vs kahirapan

August 16, 2022 @ 1:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Kasunod ng lumobong bilang ng mahihirap sa bansa na umabot na sa 20 milyon noong 2021 mula higit 17 milyon noong 2018, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang national government na isulong ang tinatawag na inclusive growth at social protection upang maiangat ang buhay ng mga Pilipino mula sa kahirapan.

“Isa sa mga pinaka epektibong paraan upang masugpo ang kahirapan ay ang pagtatatag ng isang ekonomiya na makapagbibigay ng mas maraming trabaho at makapagpapataas ng productivity,” sabi ni Gatchalian habang binigyaang diin na kailangang lumikha ang gobyerno ng maraming trabaho sa mga Pilipinong nawalan ng kita lalo na noong kasagsagan ng mataas na kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa mga lockdown at quarantine regulations.

Ani Gatchalian ang mga maliliit na negosyo o ang tinatawag na micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ay nagsusulong ng inclusive growth sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at maraming oportunidad para sa mga umuusbong o nagsisimulang magnegosyo. Ang panukalang batas ng senador na “One Town, One Product (OTOP) Philippines Act” ay naglalayong tumulong sa mga MSMEs na makabangon mula sa dagok ng pandemya. Ang naturang panukalang batas ay nagsusulong ng mga promotional program para sa mga sarili nating produkto na binuo ng MSMEs. Ito ang magpapaikot sa ating ekonomiya, ani Gatchalian, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa mga konsyumer na gumasta at magpaikot ng pera sa lokal na ekonomiya.

Ayon sa senador ang isa pang paraan upang makapagpatupad ng angkop na intervention o tulong sa mga mahihirap nating kababayan ay sa pamamagitan ng batas na Community-Based Monitoring System o CBMS. Ang mga datos na makukuha sa monitoring system na ito ang magiging batayan ng national government at local government units o LGUs kung natutulungan nang maigi ang mga nangangailangang Pilipino lalo na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Isinusulong din ni Gatchalian ang Philippine Warehouse Receipts Act of 2019 na naglalayong lumikha ng isang online at uniform registry system kung saan ang lahat ng electronic warehouse receipts ay pwedeng mairehistro at makuha. Dahil dito, inaasahang magiging maayos ang agricultural productivity at matutupad na ang food security sa bansa habang nakakapagbigay ng maayos na kita para sa mga magsasaka.

“Ang kailangan nating gawin ngayon ay gumawa ng mga batas at magpatupad ng mga reporma na direktang tutulong sa hanay ng marginalized sectors. Mahalaga sila sa komunidad dahil malaki ang kanilang naiaambag sa ekonomiya ng buong bansa sa pamamagitan ng kanilang mga kaalaman at kakayahan,“ pagtatapos ni Gatchalian. Ernie Reyes