Tuguegarao isinailalim sa state of calamity sa hagupit ni #PaengPh

Tuguegarao isinailalim sa state of calamity sa hagupit ni #PaengPh

November 5, 2022 @ 4:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Isinailalim ang Tuguegarao City sa state of calamity dahil sa pinsalang idinulot ng malawakang pagbaha sa hagupit ni Paeng.

Inaprubahan ng city council nitong Huwebes ang rekomendasyon ng city disaster office na nagdedeklara sa state of calamity sa lungsod.

Pabibilisin ng deklarasyon ang distribusyon ng tulong sa mga apektadong pamilya, ayon kay Mayor Maila Ting-Que. Sa ilalim ng state of calamity, ikakasa rin ang price freeze para sa mga pangunahing bilihin.

Batay sa pinakabagong datos ng city’s disaster office, halos 11,482 pamilya, o 39,2452 indibidwal ang apektado ang pagbaha sa 40 barangay sa Tuguegarao.

Gagamitin din ang ponding ipalalabas sa ilalim ng deklarasyon ng state of calamity upang tulungan ang mga magsasaka na apektado ng pananalasa ng bagyo.

Pwede silang kumuha ng calamity loans at crop insurance claims.

Pumalo sa P2.7 bilyon ang agricultural damage dulot ni Paeng, batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). 

Halos 74,000 magsasaka at 78,542 ektarya ng pananim ang napinsala.

Samantala, umabot na sa 155 ang naiulat na nasawi dahil sa bagyo, base sa NDRRMC. RNT/SA