TUKSO, LAYUAN MO SILA

TUKSO, LAYUAN MO SILA

November 26, 2022 @ 11:38 AM 2 months ago


DI ko pa rin talaga maintindihan, pero andyan na yan.   Ano pa ba ang magagawa natin?  Noong nakaraang linggo,  naipasa na sa House of Representatives ang P5.236 trilyon na panukalang badyet para sa 2023.   Target naman ng Senado na bago matapos ang Nobyembre ay tuluyan nang ma-aprubahan ito.

Tama ang nabasa nyo.   Hindi kayo namamalikmata.   Mahigit limang trilyon piso ang halagang pwedeng gastusin ng gobyerno para sa taong 2023.

Pwera biro.   LIMANG TRILYON  at DALAWANG DAAN at TATLUMPU’T ANIM na bilyong piso.

 Dami pala nating pera, ano?

Pero bakit diskumpyado ang ilang senador? Bakit pumapalag sila sa ilang sangkap ng pambansang badyet? At bakit ang ingay ng maraming kritiko na anila ay kwestyonableng mga isiningit na “intelligence funds” at “confidential funds” ng ilang mga opisina?

Suma total kasi, halos P9.28 na bilyong ay na-approve na intelligence at confidential funds o ICF,  na kabilang sa mahigit na limang trilyong badyet.

Para saan ba ang mga ICF na ito?  Kadalasan ang mga pondong ito ay ginagamit sa mga sensitibo pero mahahalagang gawain ng mga ahensya ng gobyerno at mga information gathering para mas maging mahusay at mabisa ang pagpapapatupad ng mga programa at serbisyo ng gobyerno para sa seguridad at law enforcement.

Yun nga lang, dahil sikreto ang paggastos ng mga pera, walang nakakaalam kung paano nga ito ginamit, saan napunta at kung totoo ngang napakinabangan ng bayan ang pag-gamit ng ICF. At napakalaki nang pagkakataon na magamit sa korapsyon o katiwalian ang mga ICF na ito.

Mukhang tama ang ilang tanong ng mga senador.   Bakit kailangan ng Presidente at Bise-Presidente ng napakalaking ICF, kung pwede naman nilang utusan ang mga intelligence agencies ng pamahalaan?

Hindi rin naman yata pangunahin mandato ng DepEd ang intelligence gathering o mga usaping pambansang seguridad (national security) para humingi ng napakalaking ICF.  Mas mainam nga na ilagay ang P150 milyon na iCF nito sa pagpagawa ng mga classroom at pondo para sa Special Education o SPED.

Hindi masama ang ICF, pero kung hindi mababantayan ng maayos, napakalaking tukso na abusuhin ito.