Tulak arestado sa P47K shabu sa Navotas

Tulak arestado sa P47K shabu sa Navotas

March 9, 2023 @ 2:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nasamsam sa isang hinihinalang tulak ng illegal na droga ang mahigit P47,000 halaga ng shabu matapos matimbog ng pulisya sa buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong suspek bilang si Erick Manaluz, 40 ng Miguel St., Brgy. NBBN, Navotas City.

Ayon kay Col. Umipig, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang Regular Confidential Informant (RCI) na nagbebenta umano ng shabu ang suspek kaya isinailalim ito sa validation.

Nang positibo ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PCPT Luis Rufo Jr ang buy bust operation sa Miguel St., Brgy. NBBN, dakong alas-9 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek matapos bentahan ng P3,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagsilbi bilang poseur buyer.

Nakumpiska kay Manaluz ang humigi’t kumulang 7 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P47,600, at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 5-pirasong P500 boodle money.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura