Tulak at kasabwat, timbog sa shabu, baril sa Valenzuela

Tulak at kasabwat, timbog sa shabu, baril sa Valenzuela

March 16, 2023 @ 2:03 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Kulungan ang bagsak ng di-umano’y tulak ng iligal na droga at kasabwat nito matapos na madakip ng mga pulis makaraan magsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa Valenzuela City.

Nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang mga suspek na sina Ricky Sendayon y Ilarde alyas “Kuya”, 38, High Value Individual (HVI), miyembro ng Compendio Drug Group, residente ng #83 A James St., Veinte Reales at Romulo Credo Jr. alyas “Onyong”, 47, naninirahan sa 25 Saint Benedict St., Veinte Reales, ng nasabing lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni PCpl Christopher Quiao, dakong alas-3:00 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City Police sa pangunguna ni P/Capt. Joel Madregalejo sa Saint James St., Brgy. Veinte Reales.

Sa ulat ng pulisya, isang undercover na pulis ang nagawang makipagtransaksyon at makabili ng iligal na droga sa mga suspek at nang ibigay ng mga ito ang binili na droga ng operatiba ay agad itong nagbigay ng hudyat sa kanyang mga kasamahan at mabilis na inaresto ang mga suspek.

Narekober ng mga pulis sa mga suspek ang walong pirasong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na umabot sa mahigit-kumulang na 20 gramo at tinatayang nasa P136,000 ang halaga, P500 pesos na buy-bust money, P400 pesos, color blue coin purse, OPPO android cellphone, isang caliber .38 revolver at dalawang live ammunition, Samsung keypad cellphone at isang grey sling bag.

Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Section 5 and Section 11 under Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang mahaharap pa si Sedayon sa kasong RA 10591 Illegal Possession of Firearms and Ammunitions. R.A Marquez