Tulak isinelda sa P70K tobats sa Navotas

Tulak isinelda sa P70K tobats sa Navotas

January 31, 2023 @ 11:57 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ibinalibag sa selda ang isang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng nasa P70,000 halaga ng shabu nang madakma sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas City, Lunes ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong suspek bilang si Alvin Eugenio alyas “Ormoc”, 32 ng AR Cruz St., Barangay Tangos.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-10:45 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Luis Rufo Jr, ng buy-bust operation sa Badeo 4 St., Brgy. San Roque.

Agad sinunggaban ng mga operatiba si Eugenio matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang undercover police poseur buyer.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 10.5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P71, 400 at buy-bust money.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura