Tulak itinumba sa P200 shabu

Tulak itinumba sa P200 shabu

December 12, 2021 @ 1:39 PM 10 months ago


PARDO,CEBU- Duguang bumulagta ang isang tulak ng shabu matapos pagbabarilin ng umano’y parokyano nito nang hindi magkasundo sa halagang P200 na presyo ng illegal na droga kagabi sa bayang ito.

Kinilala ang namatay na si Mark Desabelle, 30-anyos, taga-Sitio Mansanitas, Barangay Inayawan ng nasabing lungsod.

Batay sa report ng Pardo Police Station, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang krimen sa may bahagi ng tulay sa Sitio Little Hawaii, Barangay Cogon Pardo.

Ayon kay Police Corporal Jeymos Tordios, batay sa imbestigasyon ng Pardo Police Station, naglalakad ang biktima sa nasabing lugar nang bigla na lamang itong barilin ng hindi pa kilalang suspek.

Tinamaan ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Kuwento ng mga saksi, bago ang insidente nakita nila ang biktima na may kausap at may hawak na pakete ng shabu kapalit ng P200.

Anila, humiling ang parokyano sa biktima na dagdagan pa niya ito ng isang pakete sa ganun pa rin halaga subalit hindi pumayag si Desabelle na nauwi sa pagtatalo.

Sinabi naman ng tiyuhin ng biktima na matigas ang ulo ng kanyang pamangkin at nakulong ito noong 2018 at nakalabas noong 2019 sa kasong droga.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico