Tulak tiklo sa Navotas buy-bust

Tulak tiklo sa Navotas buy-bust

March 16, 2023 @ 10:42 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Sa likod na rehas na bakal ang bagsak ng isang tulak ng iligal na droga matapos makuhanan ng baril at mahigit P.2 milyon halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong suspek bilang si Jay-ar Vicente alyas “Jay-ar Toyo” Jay-ar toyo, 36 ng 21 Quintos St., Brgy. San Jose, Navotas City.

Sa report ni Col. Umipig kay Northern Police District (NPD) Director PBGen Ponce Rogelio Peñones Jr, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PCPT Luis Rufo Jr, ang buy-bust operation kontra sa suspek sa Quintos St., Brgy. San Jose dakong alas-10:16 ng gabi matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta umano ito ng shabu.

Nang tanggapin ng suspek ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang 13-pirasong heat-sealed transparent plastic sachets kabilang ang subject of buy-bust na naglalaman ng humigit-kumulang 35 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P238,000, buy-bust money, isang revolver na may apat na bala at itim na sling bag.

Nahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition). Boysan Buenaventura