Tulak tiklo sa P340K shabu sa Caloocan

Tulak tiklo sa P340K shabu sa Caloocan

March 8, 2023 @ 3:59 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang isang tulak ng iligal na droga na listed bilang high value individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyon halaga ng umano’y shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan Police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek bilang si Roel Rondina alyas “Chairman”, 47 ng Phase 7B, Package 1, Block 49, Lot 47, Barangay 176, Bagong Silang.

Base sa report ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong alas-5:30 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PMAJ Amor Cerillo ng buy bust operation sa Phase 7B, Barangay 176, Bagong Silang matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta ng shabu ang suspek.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon kay Rondina ng P40,000 halaga ng droga at nang tanggapin niya ang marked money mula sa police poseur-buyer kapalit ng umano’y shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t-kumulang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P340,000, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 39-pirasong P1,000 boodle money, cellphone at pouch bag.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez