Tulak, tumimbuwang sa ilalim ng tulay

Tulak, tumimbuwang sa ilalim ng tulay

July 13, 2018 @ 4:51 PM 5 years ago


 

Quiapo, Manila – Nagawa pang maisugod sa Justice Jose Abad Santos General Hospital, ang isa umanong tulak ng droga makaraan manlaban umano sa inilatag na buy bust operation ng ilang tauhan ng Manila Police District  sa Quiapo, Manila, kamakalawa ng gabi.

Nakilala lamang ang biktima na si Jomari Roquero Y Rosaroso;  alyas “Bembol”, nasa hustong gulang, residente ng LRC Compound, Claro M Recto Avenue, sa Sta. Cruz.

Batay sa ulat ni P /Supt. Julius Caesar Domingo , Station Commander ng MPD-Sta. Cruz Police Station 3, naganap umano ang engkuwentro ng bandang 6:35 ng gabi, sa ilalim ng Quezon Bridge, sa Carlos .Palanca Sr., st. sa tabi ng Quinta Market sakop ng Quiapo.

Ayon sa report ng pulisya, umaktong buyer si PO2 Roy Espino, ng Station Drug Enforcement Unit ng PS3, at nagbigay ito ng senyas na ayos na ang transaksiyon kaya naglapitan ang mga back-up na pulis.

Sa halip na sumuko sa mga operatiba ay bumunot umano ng kalibre 38 baril at pinutukan ang direksiyon ng mga papalapit na pulis na walang tinamaan hanggang sa gantihan siya ng mga putok ni PO2 Orville Resuello.

Bumulagta si Roquero na duguan kaya sinubukan pang isalba nang dalhin sa nasabing ospital subalit idineklarang dead on arrival ni Dr. Nestor Batong Bacal ng dakong 6:53 ng gabi. (Rene Crisostomo)