Tulay bumigay sa overloading – Quiambao

Tulay bumigay sa overloading – Quiambao

October 21, 2022 @ 1:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Overloading ang nakikitang posibleng dahilan sa pagguho ng Carlos P. Romulo Bridge sa Bayambang, Pangasinan nitong Huwebes, Oktubre 20.

Ito ang sinabi ni Mayor Nina Jose-Quiambao batay sa inisyal na imbestigasyon ng Department of Public Works and Highways at ng provincial engineer.

Dagdag nito, dalawang overloaded na truck na may kargang 40 hanggang 50 tonelada ang naging dahilan ng pagguho ng bahagi ng tulay.

“Meron pong warning sign doon na 20 tons lang ang pwedeng makarga ng bridge pero if I’m not mistaken, dalawang truck po kasi yung nagpass during that time. Mahigit 40-50 tons po yung nagpass,” pahayag ni Quiambao sa panayam ng ABSCBN.

Inaalam din ng alkalde ang ulat kung ang tulay ba ay unang naitayo noon pang 1970 at inayos noong 1990, o orihinal na itinayo talaga noong 1990s.

“May kalumaan na rin po yung bridge,” pagdidiin niya.

Sa kasalukuyan ay inaayos na ng DPWH at Provincial Government ng Pangasinan ang nasirang tulay at naglagay na muna ng pansamantalang daanan para sa mga residente samantala ang mga motorista naman ay inaabisuhan na maghanap na muna ng ibang daanan. RNT/JGC