Tulay sa San Diego, pinangalan sa isang Pinoy!

Tulay sa San Diego, pinangalan sa isang Pinoy!

July 24, 2018 @ 7:59 AM 5 years ago


 

San Diego, California – Ipinangalan ang isang tulay sa Chula Vista, San Diego sa isang Pinoy na police officer na namatay habang nasa duty noong 2016.

Ang Officer Jonathan “JD” M. de Guzman Memorial Bridge ay matatagpuan sa hometown ng Pinoy officer at opisyal na ipinangalan sa kaniya noong Huwebes, July 19.

Namatay ang 16-year veteran ng San Diego Police Department sa pamamaril habang naka-duty sa Southcrest noong July 2016. Maging ang kaniyang partner na si Officer Wade Irwin ay nabaril din at malubhang nasugatan sa insidente.

Makikita ang sign na mayroong pangalan ni de Guzman sa gilid ng tulay na maghahatid sa mga commuters ng Palomar Street papuntang Interstate 805, ayon pa sa ulat ng NBC San Diego.

Lumuwas si de Guzman mula sa Pilipinas noong siya ay 20-anyos lamang. Sa kaniyang 16-taon sa serbisyo, nanungkulan siya sa ilalim ng SWAT at Gang Suppression units. Siya rin ay nakatanggap ng purple heart nang masaksak siya sa duty noong 2003.

Samantala, sinintensiyahan ng San Diego County District Attorney’s Office  noong December ng death penalty  ang pumatay kay de Guzman at bumaril kay Irwin na si Jesse Michael Gomez, 56-anyos. (Remate News Team)