Tulfo: 4Ps beneficiaries, gov’t scholar ‘di swak sa educational cash aid

Tulfo: 4Ps beneficiaries, gov’t scholar ‘di swak sa educational cash aid

August 21, 2022 @ 10:35 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling nilinaw ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo na hindi kasali sa pinamamahaging educational cash assistance ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at mga iskolar ng gobyerno, at dapat ibalik ng mga nakatanggap nito ang halaga.

Ginawa ni Tulfo ang paglilinaw habang nagtipon-tipon ang napakaraming tao sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) — kabilang sa mga ito ang mga benepisyaryo ng 4Ps at mga iskolar ng gobyerno — sa labas ng central at regional offices ng ahensya para sa pamamahagi ng cash aid..

“Mga sir, mga ma’am ng 4Ps, kung kayo po ay naka 4Ps, hindi na po kayo kasama dito, dahil ‘yang 4Ps na hawak niyo ay para po sa mga anak ninyo yan. Kaya po kayo merong 4Ps para po sa edukasyon ng inyong mga anak, na incentive yan para pumasok sa inyo mga anak,” paliwanag ni Tulfo.

“At saka yung mga scholar na po ng gobyerno diyan, hindi na rin po kayo kasama because allotted na po ang mga pambili ninyo pati ho mga tuition ninyo,” dagdag pa ni Tulfo.

Ipinunto ni Tulfo na ang cash assistance ay para lamang sa mga hindi nakatanggap ng anumang tulong mula sa gobyerno, at idinagdag na ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay kailangang ibalik ang cash aid na kanilang natanggap.

“Tumatanggap na po kayo ng ayuda mula sa gobyerno para sa edukasyon ng mga anak ninyo. Pagbigyan naman po natin yung mga hindi pa nakakatanggap ng ayuda na wala po sa 4Ps, sila naman po ang bibigyan natin ng educational assistance,” giit pa niya.

“So yung mga nakatanggap po ng 4Ps, aba eh ire-refund niyo po sa amin ‘yan, ikakaltas po sa matatanggap niyo next month, para magkalinawan po tayo.”

Sinabi ni Tulfo na ang miscommunication ay nagresulta sa pagsugod ng maraming tao sa  labas ng central at regional offices ng DSWD.

Nauna nang inanunsyo ng kagawaran na magpapamahagi ito ng P500 milyong halaga ng cash assistance sa mga mahihirap na estudyante.

Sinabi ni Tulfo na ang tulong ay: P1,000 para sa elementarya, P2,000 para sa junior high school, P3,000 para sa senior high school, at P4,000 para sa mga mag-aaral sa kolehiyo o sa mga kumukuha ng vocational courses.

Aabot sa tatlong estudyante bawat pamilya ang maaaring makakuha ng cash assistance, ayon sa kalihim. RNT