Tulfo, Ledesma nagkainitan sa corruption issue ng PhilHealth

Tulfo, Ledesma nagkainitan sa corruption issue ng PhilHealth

February 1, 2023 @ 3:23 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinwestyon ni Senador Raffy Tulfo nitong Miyerkules, Pebrero 1 ang sinabi ng bagong acting president ng PhilHealth na si Emmanuel Ledesma Jr. na wala siyang nakikitang korapsyon sa ahensya.

Kasabay ng pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography sa ilang mga hakbang para amyendahan ang Universal Health Care (UHC) law, hinimok ni Tulfo si Ledesma na linisin ang ahensya at alisin ang mga kurakot sa PhilHealth.

“Siguro po, maglinis-linis kayo. Linisin niyo po ang PhilHealth. Mag-imbestiga kayo kung sinu-sino doon ang involved sa korapsyon. From then, maniniwala ako na magiging maayos na ang takbo ng PhilHealth. Maniniwala kaming lahat,” sinabi ng mambabatas.

Bagamat inamin naman ni Ledesma na ipinangako niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sosolusyunan ang mga kakulangan ng PhilHealth, humiling ito sa Komite na bigyan siya ng “honeymoon period” para magawa ito.

“Personally, I don’t know if there’s all this talk — if it’s there, if it’s not there. I have been actively looking since I joined, although I’m telling you, so far po, to be honest, wala po akong nakikita,” tugon pa ni Ledesma.

Dahil dito ay napikon si Tulfo, lalo na’t naging maugong din ang isyu ng di-umano ay korapsyon sangkot ang PhilHealth noong kasagsagan ng pandemya.

“You’re making stupid out of us, of all of us. Kasi na-media na po ‘yan, kumalat na po ‘yan. Paulit-ulit na lang ‘yan sa media na mga ‘yung bogus claims, meron na ngang na-Ombudsman, may mga na-imbestigahan, pero sabi mo wala ka pa ring nakikita,” ani Tulfo.

“Kailangang tanggapin mo na meron talagang problema sa PhilHealth. ‘Wag po ‘yung you’re in denial…sasabihin mong, ‘Wala, malinis kami.’ Then, I’m sorry, sir, then you are not good for that position. For you to be able to clean your organization that has been tarnished with corruption, first you have to accept that there is really corruption. Do not be in denial. That’s the only way para ma-solve mo ang problema,” pagpapatuloy ng senador.

Kung babalikan, noong Oktubre 2020 ay naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamong graft at malversation complaints laban sa ilang PhilHealth executives, kabilang sina dating PhilHealth chief Ricardo Morales, dahil sa anomalya sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM).

Bumuo rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng inter-agency body upang imbestigahan ang mga alegasyon laban sa PhilHealth.

Ani Ledesma, nagsagawa siya ng sariling pagsasaliksik tungkol sa naturang isyu ngunit ayaw lamang niyang magturo ng kung sino-sino.

“I feel sorry about you. I feel sorry about PhilHealth kung katulad mo po ang magpapatakbo ng PhilHealth. I feel sorry about PhilHealth and all members kung ganon rin ang istilo mo ng pamamalakad sa PhilHealth. I’m sorry. Unless kung baguhin niyo ang inyong pananaw sa pagpapatakbo ng isang agency na who is well known to be graft-ridden for a year or two or for many years, eh walang mangyayaring pagbabago,” sagot naman ni Tulfo dito.

Kasundo nito, sinabi ni Senador JV Ejercito, principal author ng UHC law na magpapatawag siya ng hiwalay na pagdinig upang pag-usapan ang isyu ng korapsyon at iba pang problema sa PhilHealth. RNT/JGC