Tulfo nag-sorry sa mga magulang, estudyante na natabla sa education aid

Tulfo nag-sorry sa mga magulang, estudyante na natabla sa education aid

August 20, 2022 @ 5:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Humingi ng paumanhin si Department of Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo nitong Sabado sa mga estudyante at mga magulang na hindi nakatanggap ng educational assistance sa kabila ng pagpila sa Batasan Complex sa Quezon City.

“Pasensiya na po kayo. Ginagawan naman ho namin ng paraan. Nagre-recalibrate po kami, ina-adjust po namin,” pahayag ni Tulfo.

“Siguro po next weekend ang gagawin namin hihingi po kami ng tulong. Bababa na namin sa munisipyo, pero not in the barangay kasi ang barangay humihingi ng indigency, ayaw ng mga tao ‘yun,” dagdag niya.

“Sa munisipyo, upon the supervision of DSWD personnel, meron pa rin po rito sa munisipyo para pumunta na lang po sila sa mga munisipyo nila,” ayon pa kay Tulfo.

Ilang estudyante, mga magulang at guardian ang pumila sa DSWD Central Office hapon pa lamang nitong Biyernes upang matiyak na mapapasama sila sa cutoff.

Umabot pa ang pila sa Batasan-San Mateo Road.

Nauna nang inanunsyo ni Tulfo na ipamamahagi ng ahensya ang financial assistance sa indigent students kada Sabado hanggang Setyembre 24.

Ani Tulfo, naglaan ng P1,000 kada isang elementary student, tig-P2,000 para sa high school students, tig-P3,000 para sa senior high school students, at tig-P4,000 para sa college students o vocational courses.

Aniya, pwedeng makakuha ang hanggang tatlong miyembro ng isang pamilya.

Kinakailangan lamang umanong magpakita ng enrollment certificate at school ID. RNT/SA