Tulfo naniniwala, nasasabat na smuggled fuel ibinibenta ulit

Tulfo naniniwala, nasasabat na smuggled fuel ibinibenta ulit

January 19, 2023 @ 1:26 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naniniwala si Senador Raffy Tulfo na ibinibenta muli ang mga nasasabat na smuggled fuel ng Bureau of Customs.

Ito ay kasundo ng pag-uulat ni BOC special agent Anthony Escandor, sa harap ng Senado nitong Huwebes, Enero 19 na mayroong kabuuang 2.1 milyon na litro ng petrolyo ang kanilang nakumpiska.

Kagyat naman na tinanong ni Tulfo na siyang panel chairperson, kung ano ang ginawa ng ahensya sa mga ito.

“We have already disposed of 36,750 liters ng diesel na dinonate po namin sa Philippine Coast Guard,” tugon ni Escandor.

“Meron pa po kaming 10,669 liters of diesel that was for official use po,” dagdag pa nito.

Kasunod nito ay ang pagkwestyon ni Tulfo sa mga natitirang nasabat na gasolina.

“Anong nangyari doon sa iba? Hindi mo ako masagot nang deretso. Sabi mo under seizure proceeding pa rin. Ang tagal naman. Akala ko ba na-seize na. Nasa inyo na. Nasaan ‘yun? Nasaan n’yo ini-store?” paggisa ng Senador.

Ang sagot naman ni Escandor, magbibigay na lamang ito ng update patungkol sa tanong ni Tulfo dahil wala siyang impormasyon kaugnay nito.

“Ako, sagot ko: ibinenta ulit. Sineize and then ibinenta sa mas murang halaga. Kanino ibinenta? Alam n’yo naman siguro ‘yun kung kanino,” sinabi naman ni Tulfo.

“Kaya ‘wag na tayong maglokohan dito. Kaya for me, itigil na natin ‘tong sa SGS na ‘to, ’tong mga fuel marking na ‘to. Nagsasayang tayo ng pera,” dagdag pa niya.

Matatandaan na pumirma ng kontrata ang pamahalaan kasama ang SGS Philippines Inc. at Switzerland-based SICPA SA para sa rollout ng fuel marking program.

Layunin ng programang ito na masugpo ang isyu ng oil smuggling sa bansa. RNT/JGC