Tulfo sa BIR: Oil smugglers, big-time tax evaders tugisin kaysa small-timers

Tulfo sa BIR: Oil smugglers, big-time tax evaders tugisin kaysa small-timers

October 4, 2022 @ 11:23 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinayuhan ni Senador Raffy Tulfo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na ituon ang atensyon nito sa mga oil smugglers at big-time tax evaders upang matulungan ang gobyerno na kumita, sa halip na puntiryahin ang mga low-income earners at maliliit na negosyo.

Sa budget hearing na isinagawa ng Finance Sub-committee A noong Lunes, ginunita ni Tulfo na noon pang 2010, iminungkahi na ng BIR na i-require ang mga pedicab at tricycle drivers, market vendors at sari-sari (retail) store owners na mag-isyu ng mga resibo para sa mga produkto o mga serbisyong ibinebenta nang higit sa P25.

Noong 2017, sinabi ni Tulfo na inatasan ng BIR ang 123 revenue district officers sa buong bansa na simulan ang paglista ng mga sari-sari store at iba pang maliliit na negosyo para sa layunin ng pangongolekta ng buwis.

“The BIR cannot hide under the figures released by the Department of Finance that the taxes collected from marked fuel products by customs duties amounted to more than PHP400 billion,” ani Tulfo.

Sa parehong pagdinig, hiniling ni Tulfo sa Bureau of Customs (BOC) na magbigay ng mga rekord na magpapatunay na ang lahat ng amrked coal products ay tumutugma sa datos mula sa United Nations Conference on Trade and Development, na mayroong pandaigdigang impormasyon ng lahat ng kumpanyang nagluluwas ng langis sa bansa.

Ang pagkabigong tumugma sa mga rekord ay nangangahulugan na ang pagpupuslit ng langis ay talamak sa bansa sa kabila ng P1.9-bilyong taunang kontrata ng gobyerno sa Switzerland-based inspection services provider na Societe Generale de Surveillance (SGS), na tumitiyak na tumpak na naidagdag ang marker sa gasolina, Sabi ni Tulfo.

Dahil dito, hinimok ni Tulfo ang gobyerno na huwag nang i-renew ang kontrata nito sa SGS, na nakatakdang mag-expire sa susunod na taon, na binanggit ang terms of reference na kinakailangan ng Swiss company na ilipat ang teknolohiya at ang formula nito sa Pilipinas sa pagtatapos ng five-year pact.

Hiniling din ni Tulfo sa BOC na magbigay ng mga talaan ng dapat na 1,700 gasoline stations na pisikal na iniinspeksyon ng SGS bawat buwan sa mga nakaraang taon upang matiyak ang katumpakan. RNT