Tulfo, Villar nagkainitan sa isyu ng mga sakahan na ginawang subdivision

Tulfo, Villar nagkainitan sa isyu ng mga sakahan na ginawang subdivision

November 17, 2022 @ 10:41 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagkainitan sina Senador Raffy Tulfo at Cynthia Villar sa isyu ng kumberisyon ng bukirin bilang residential subdivision at commercial areas sa ginanap na plenary debates sa 2023 badyet ng Department of Agriculture (DA).

Sa ginanap na deliberasyon sa plenaryo ng Senado nitong Miyerkoles na umabot sa Huwebes ng madaling araw, Nobyembre 17 ay kinuwestiyon ni Tulfo kung ano ang ginagawa ng DA upang tugunan ang lumiliit na sukat ng bukirin sa bansa.

Ipinaliwanag ni Villar, isa sa may-ari ng malalaking subdivision at commercial areas sa bansa na dating bukirin, kung paano bumili ng lupaing bukirin ang negosyo ng pamilya upang gawing residential at commercial ventures.

“Lumiliit nang lumiit ang ating farmlands binibili po ng malalaking developer at ginagawang commercial at residential land. Ano po ang ginagawa ng DA tungkol dito?” tanong ni Tulfo.

Tugon ni Villar, kilalang may-ari at nagpapatakbo ng Vista Land and Lifescapes na may proyektong subdivision at malls na: “Alam niyo, that’s our business.”

Pero, mabilis na ipinaliwanag ni Villar na hindi sila bumibili ng bukirin sa lalawigan, dahil walang bibili ng bahay at lupa sa bukirin.

“Bumibili kami sa lungsod at capital towns dahil gusto ng mga buyer na magkaroon ng opurtunidad na kapag may problema silang pinansiyal, puwede nilang ibenta muli ang bahay. Napakahirap maibenta muli ang bahay na hindi nakatayo sa lungsod o capital towns. Kaya nilimitahan naming sa lungsod at capital towns.”

“They allow conversions in cities and capital towns because if they buy your land, they buy it expensive. And you can re-invest the money, and you will make more money than planting on those lands,” giit pa ng Senadora.

Pero, sinabi ni Tulfo na hindi sinasagot ni Villar ang kanyang katanungan. Kaya’t muling inulit nito ang tanong kung bakit nagiging komersiyalisado ang mga bukirin sa ating bansa.

Sumabat naman si Villar na: “Saan titira ang tao kung hindi magtatayo ng subdivision?”

Ngunit, sinopla pa din ni Tulfo ang senador sa pagsasabing na maraming lugar naman ang puwedeng pagtayuan ng subdivision kaysa bukirin.

“Huwag lang po i-take over iyong mga farm kasi nga, kung minsan, iyong mga farmer, dahil sila’y naghihikahos, they’re being taken advantage of,” giit niya.

Binanggit din ni Tulfo ang Rice Tariffication Law (RTL) na pinapayagang umangkat ng bigas ang bansa, na nagtulak sa mga magsasaka na ibenta ang kanilang bukirin dahil nalulugi sanhi ng importasyon.

Isa sa Villar sa pangunahing awtor ng RTL na aniya, noong ipinanukala ang batas noong 2018, umabot sa P50 haggang P60 ang halaga ng kada kilo ng bigas.

“That was the only time President [Rodrigo] Duterte became unpopular. Because rice is a political crop. When nagmamahal ang rice, nagiging unpopular ang President aniya.

Ikinatuwiran pa ni Villar na ipinasa ang RTL dahil krusyal na hakbang ito upang maibaba ang credit rating ng Pilipinas.

“We have plenty of loans abroad and we have to pay higher interest for those loans so it will be a loss for the Philippine government,” paliwanag niya.

Tinukoy pa ng senador na naibibigay naman sa maliliit na magsasaka ang perang nakokolekta sa rice tariffs.

“I don’t feel any guilt for the small farmers. All the money that came from the rice tariffication law were given to the small farmers owning two hectares and below,” aniya.

Giit pa ni Villar: “We need the residential and commercial areas to improve the quality of the lives of our people. It’s not the amount of farmlands. It’s the efficiency of using these farmlands.”

Aniya, hindi isyu dito ang sukat ng bukirin kundi ang makalumang modelo sa agrikultura partikular ang kalidad ng punla na itinatanim at ang tradisyuna na proseso ng pagsasaka.

Pero, iginiit ni Tulfo na kailangan nang maipasa ang National Land Use Act na layunin na lumika ng national land-use plan.

Sinabi naman ni Villar na nasa antas ng pamahaaang local ang land use plans.

Kapwa nagkasagutan din ang dalawang mambabatas kung saang antas ng pamahalaan ang land use management na pawang pinakamainam na gawin.

Sa puntong ito, minabuti ni Senate President Miguel Zubiri na isuspendi ang sesyon.

Kaya’t inihayag ni Tulfo na nakatakda siyang maghain ng privilege speech hinggil sa National Land Use Act. Ernie Reyes