Tulong kabuhayan sa ‘Balik Probinsya’, umarangkada na

Tulong kabuhayan sa ‘Balik Probinsya’, umarangkada na

October 5, 2022 @ 7:23 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umarangkada na ang tulong kabuhayan sa Balik Probinsya program ng pamahalaan makaraang simulan ang inisyal na distribusyon ng mga alagang baboy bilang tulong pangkabuhayan sa mga Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) program beneficiaries sa probinsya ng Isabela noong Setyembre 28.

Ayon sa Department of Agriculture, ang mga principal beneficiaries ay nakatanggap ng tig-apat na alagang baboy samantala dalawang baboy naman ang natanggap ng iba pang mga beneficiaries.

Nasa 116 heads na baboy ang naipamahagi sa mga beneficiaries sa mga bayan ng Tumauini, Roxas at Sta. Maria sa Isabela.

Kaugnay nito matatandaang naantala ang pamamahagi ng mga alagang baboy dahil sa kakulangan ng suplay nito bunsod ng paglaganap ng African Swine Fever na lubhang nakaapekto sa mga hog raisers sa rehiyon.

Isa ang pamimigay ng mga alagang baboy sa mga tulong pangkabuhayan na ibinibigay ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Rehiyos Dos para sa mga kababayan natin na piniling magbalik probinsya noong kasagsagan ng pandemya.

Bukod sa alagang baboy ay magpapamahagi rin ng libreng feeds sa mga beneficiaries para sa tatlong buwan na pagkain ng kanilang mga alagang baboy.

Ang BP2 farmers’ association naman na kinabibilangan ng mga beneficiaries ay makakatanggap din ng housing with digester at water system na magagamit ng kanilang asosasyon sa pag-aalaga ng baboy upang pagkakitaan.

Layunin ng BP2 na maghatid ng bagong pag-asa sa pamamagitan ng tulong pinansyal, pangkabuhayan, pabahay, at paglikha ng iba’t-ibang oportunidad na magiging kaagapay ng mga benepisyaryo sa kanilang bagong simula sa probinsya. Santi Celario