Tulong ng FBI posibleng hingin sa pagpapauwi kay Teves – Zubiri

Tulong ng FBI posibleng hingin sa pagpapauwi kay Teves – Zubiri

March 12, 2023 @ 2:14 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kapag nagkaroon ng matibay na ebidensiya na kasangkot si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walo pang iba, hihingi ng tulong ang Pilipinas sa Federal Bureau of Investigation (FBI) upang dakpin at pauwiin siya, ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.

Nasa US si Teves na nahaharap din sa kasong murder sa pagpaslang sa tatlong katao noong 2019.

“Kung siya talaga ang tinurong mastermind at medyo matindi yung evidence na laban sa kanya, may remedy naman po doon yung gobyerno na pwede kanselahan ng passport kung may warrant of arrest na, at makikipag-coordinate po sa FBI ng Estados Unidos para tahimik ang pagdala nila o ang pag-apprehend at pagdala nila sa Pilipinas kay Congressman Teves,” ayon ka Zubiri sa interview ng DWIZ.

Sa naunang interview nang hindi pa isinasangkot si Teves sa kaso, hinikayat ni Zubiri ang kongresista na ahrapin ang akusasyon kung wala itong nalalaman o inosente sa insidente.

“Umuwi siya sa Pilipinas at bigyan niya ang kanyang testimonya,” ayon kay Zubiri.

Base sa pahayag ni Zubiri, dumami ang mambabatas na nanawagan upang umuwi si Teves at harapin ang kaso. Ernie Reyes