Tulong para sa mga nasapul ng COVID, tiniyak ni PBBM

Tulong para sa mga nasapul ng COVID, tiniyak ni PBBM

November 8, 2022 @ 7:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi mapag-iiwanan at mabibigyan ng financial assistance mula sa pamahalaan ang mga lugar na hindi naapektuhan ng kamakailan lamang na kalamidad.

Sa isinagawang ceremonial distribution ng iba’t ibang tulong sa  Leyte Academic Center sa Palo, Leyte,  sinabi ni Pangulong Marcos na bagama’t ang lalawigan sa  Eastern Visayas ay nakabangon na at nakabawi na matapos manalasa ang Super Typhoon Yolanda, may ilang pamilya naman ang nagdurusa mula sa  masamang epekto ng
coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic.

“Kahit na hindi tayo nasasalanta ng bagyo ay naghihirap pa rin ang ating mga kababayan dahil nandyan pa rin ang ekonomiya ng pandemya. Ang utos ko sa Cabinet secretaries ay patuloy ang pagtulong. Hindi kami aalis hanggang makita namin na kaya na ng mga tao na tumayo sa kanilang sariling mga paa ,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang pagtitipon na dinaluhan ng mga  key officials mula sa  national government at local governments sa rehiyon.

Pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang distribusyon ng cash aid sa mga recipients  ng  rice farmer financial assistance program mula sa  Department of Agriculture at disinfection truck sa provincial government ng Southern Leyte; cash naman sa mga benepisaryo ng  “assistance to individuals in crisis situation program” mula sa  Department of Social Welfare and Development; tulong sa mga taong nasa ilalim ng emergency employment program ng  Department of Labor and Employment.

Pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng  laptops mula sa  Department of Information and Communications Technology sa mga  recipients ng Department of Education’s Tech4ED Program; at ambulansya  para sa local government units sa ilalim ng  Health Facilities Enhancement Program ng  Department of Health.

Ang mga recipients  ng mga nasabing tulong ay  local government units, grupo ng mga magsasaka, at indibiduwal mula sa iba’t ibang bahagi ng  Eastern Visayas region.

“We are putting continuing assistance in our priority list, including the support to our small businesses… Ang sigaw natin nung kampanya na sama sama tayong babangon muli ay nagsimula na at sabay sabay at tuloy tuloy tayong babangon muli ,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, bago ang ceremonial distribution, pinangunahan muna ni Pangulong Marcos ang  ika-9 na taon na paggunita sa Super Typhoon Yolanda sa Holy Cross Memorial Gardens sa Tacloban City  kung saan mahigit sa  2,000 biktima ng 2013 catastrophe ang inilibing. Kris Jose