Tulong sa mahirap, tutukan kaysa wealth fund – Gabriela

Tulong sa mahirap, tutukan kaysa wealth fund – Gabriela

December 5, 2022 @ 4:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinalampag ng Gabriela women’s party list nitong Lunes, Disyembre 5 ang pamahalaan na tutukan at magbigay ng direkta at sapat na tulong sa mga mahihirap kaysa tutukan ang pagbuo ng kontrobersyal na Maharlika sovereign wealth fund.

“Malinaw naman ang hiling ng mamamayan: ayuda, pagtataas ng sahod, at pagpapababa ng presyo ng bilihin. It’s infuriating how this government would rather prioritize corruption-prone legislation instead of crafting laws that will provide direct aid to marginalized Filipinos,” giit ni Gabriela Rep. Arlene Brosas.

Ayon kay Brosas, lalong mapeperwisyo ng proposed fund ang mga Filipino na naghihirap na nga dahil sa mataas na bilihin at nagdaang pandemya.

“Sa Maharlika investment fund, mayayaman lang ang makikinabang habang ang mga mamamayan lalong maghihirap. Hindi dapat pakialaman pa ang perang pinaghirapan ng mga manggagawa at kawani,” aniya.

Dagdag nito, mayroong karapatan ang mga manggagawa na magdesisyon kung paano gagamitin ang pondo ng SSS at GSIS.

Matatandaan na ipinanukala ng pinsan at anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sina House Speaker Martin Romualdez at Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos ang House Bill 6398 na magtatatag ng Maharlika Wealth Fund na kukuha ng P250 bilyon na initial investment mula sa state-run pension funds at dalawang bangko, kabilang ang P25 bilyon na pondo mula sa gobyerno.

Ang naturang panukalang wealth fund ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno ay binigyan na ng go-signal ni Marcos.

Tutol naman ang maraming tao at mga personalidad dahil dito na sa katunayan ay mayroon nang isang online petition na:

“Hands off our SSS and GSIS contributions, NO TO House Bill 6398!”

Ito ay inilunsad ni David Michael San Juan, propesor mula sa De La Salle University at third nominee ng ACT Teachers party list, na layong labanan ang pagbuo sa Maharlika fund.

Sa pinakahuling ulat ay mayroon na itong mahigit 23,000 pirma. RNT/JGC