Tuloy ang laban – Pacman

Tuloy ang laban – Pacman

June 23, 2018 @ 4:46 PM 4 years ago


Pinabulaanan ni Manny Pacquiao ang bali-balitang hindi matutuloy o kanselado na ang July 15 Malaysian fight niya kay Lucas Matthysse dahil sa problema sa premyo.

May naglabasang balita na kulang pa ng $2 million ang pondo ng MP Promotions para sa nasabing laban.

May umugong na balitang umatras  ang ilang investors na unang nangakong sila ang magpopondo ng premyo para sa laban.

Ngunit ayon sa adviser ng fighting senator na si  Mike Koncz, naayos na ni Pacquiao ang anumang pagkukulang.

Hinamon din niya ang mga nagpakalat ng balita na kakainin nila ang kanilang salita kapag natuloy na ang laban.

Isa si Top Rank CEO Bob Arum sa mga nagpapakalat ng pagdududa na hindi matutuloy ang nasabing laban.

Samantala, malapit na sa ‘peak form’  si Pacquiao.

Sinasabing walang ibang target ang kampo ng Pambansang Kamao kundi ang makuha ang koronang hawak ni Argentine Lucas Matthysse sa Kuala Lumpur sa Hulyo 15.

Sumalang na ang eight-division world champion sa 10 rounds sparring session.

Sa susunod namang linggo, puntirya ni Manny na gumawa ng sparring session na aabot sa 12 rounds.

Ayon kay Pacquiao, masaya siya habang nagsasanay sa Wild Card Gym sa General Santos City.

Isang taon nang hindi nakakasabak sa ring si Pacquiao mula nang talunin ni Australian Jeff Horn sa Brisbane.

Pagmamalaki naman ni lead trainer Buboy Fernandez, mahigit 80% na ang kahandaan ng senador, 23 araw bago ang bakbakan sa Axiata Arena.

Tinututukan din ng kampo ni Pacquiao kung ano ang problema kung bakit natalo siya ni Horn dahil ayaw na nila itong maulit muli.

Nais ding makatiyak ni Pacquiao na nasa tamang kondisyon siya sa aktwal na laban dahilan upang kunin niyang muli ang serbisyo ni strength and conditioning coach Justin Fortune. (Stan Yabot)