Tuloy-kaso vs tserman na nanuntok ng MMDA worker

Tuloy-kaso vs tserman na nanuntok ng MMDA worker

February 8, 2023 @ 8:54 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – SASAMPAHAN ng kasong kriminal at administratibo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang punong barangay na sumuntok sa isang tauhan ng nasabing ahensiya sa isinagawang clearing operations sa Dagupan Extension sa Tondo, Maynila noong nakaraang buwan.

Ito ang ipinahayag ni MMDA acting chair Don Artes kasabay ng isinagawang inspeksyon sa clearing operations sa Dagupan Street nitong Martes kung saan susuportahan aniya nito ang kanilang mga manggagawa na sinasalakay sa kanilang tungkulin.

Ang mga road clearance operations, aniya, ay ginagawa sa ilang mga kalsada na ginagamit bilang alternatibong ruta na may mga sagabal na nakakaapekto sa daloy ng trapiko.

Aniya, nalinis ang Road 10 Yuseco Extension sa Dagupan St. dahil ginagamit ito bilang pangunahing alternatibong daan na papasok at palabas ng mga daungan sa Maynila.

“The agency will coordinate with the police to ensure peace and order in the area where we are conducting clearing operations. This is to avoid incidents where personnel from our teams are injured or harmed by violators,” ani Artes.

Umapela naman ang opisyal sa publiko na huwag gumamit ng karahasan sa panahon ng mga insidenteng ito dahil ang mga tauhan ng MMDA ay maaaring makipag-ayos at itinuro na sundin ang maximum tolerance sa lahat ng oras.

Sa isinagawang inspeksyon, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Felicito Valmocina na ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng mga lugar na ito ay nasa responsibilidad ng barangay chairperson.

“The DILG will monitor the cleared areas. Should the barangay captain fail to maintain the cleanliness of their areas of jurisdiction, they will face appropriate sanctions,” ani Valmocina.

Matatandaan na nitong Enero 24 ay sinuntok umano ni Barangay 51 chairperson Rommel Bravo ang isang miyembro ng MMDA Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit sa isang clearance operation sa Mabuhay Lane sa Dagupan extension.

Nagsimula ang alitan nang subukan ni Bravo na pigilan ang tauhan ng MMDA na tanggalin ang water compressor ng kanyang self-service car wash na ginamit umano para magbigay ng karagdagang pondo sa barangay. Jay Reyes