Tumaas na bilang ng mga turista nitong Semana Santa, ‘good news’- Malakanyang

Tumaas na bilang ng mga turista nitong Semana Santa, ‘good news’- Malakanyang

April 19, 2022 @ 6:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Para sa Malakanyang, “good news” ang napaulat na pagdagsa ng mga turista sa iba’t ibang destinasyon sa bansa nito lamang panahon ng Semana Santa o Mahal na Araw.

Malinaw na nakabangon na ang bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni acting presidential spokesperson Martin Andanar na ang mataas na bilang ng mga turista ay nagpapakita at patunay lamang na ang confidence level ng publiko na lumabas para magbakasyon sa kabila ng may pandemiya ay bumuti.

“Magandang balita yan. Dumadami na ang mga turista so ibig sabihin yung confidence level ng ating mga kababayan na magbakasyon ay nandyan na pagkatapos nga ng mga lockdown,” ani Andanar.

“Ngayon makaka-recover na ang turismo at makakabangaon ang ekonomiya sa mga lugar na very dependent on tourism,” dagdag na pahayag nito.

Gayunman, sinabi ni Andanar na dapat na manatiling ino-obserba pa rin ng publiko ang minimum public health standards laban sa pagkalat ng COVID-19.

Sa ulat, humingi na ng tulong ang Department of Tourism (DOT) sa government authorities matapos na mabigo ang Boracay local government na kontrolin ang bilang ng mga turista.

Lumampas na kasi ang bilang sa kapasidad na dapat lamang sa itinakda sa Boracay sa panahon ng Semana Santa.

Sa isang kalatas, sinabi ng DOT na ipinagbigay-alam nito kapuwa sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasabing paglabag ng lokal na pamahalaan ng Boracay.

“We continue our coordination with them, especially the DILG which has jurisdiction over the LGU (local government unit), to address this concern and prevent similar incidents from happening in the future,” ayon sa DOT.

Sinasabing, ang bilang ng mga turista na dumating sa Boracay ay umabot sa 21,252 noong Abril 14 at 22,519 naman noong Abril 15— lagpas-lagpas sa 19,215 carrying capacity ng Boracay.

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring tugon ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan—may hurisdiksyon sa Boracay ukol sa naturang alegasyon.

Ang lalawigan ng Aklan ay nananatiling nasa ilalim ng Alert Level 1 dahil sa Covid-19 pandemic.

Samantala, sinabi ni Andanar na hihintayin nila ang reports mula sa DILG at DENR sa usaping ito. Kris Jose