Tumangging maging ‘asset’ dalagita binugbog ng pulis, ikinulong

Tumangging maging ‘asset’ dalagita binugbog ng pulis, ikinulong

July 8, 2020 @ 11:01 AM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila – Mga pulis na naman ang sangkot sa pang-aabuso at panggigipit sa isang menor-de-edad na babae at sa kanyang ama.

Nagpasaklolo sa Remate News Team ang pinsan ng 16-anyos na babae na binugbog ng mga pulis sa harap mismo ng kanyang ama sa loob ng kanilang talyer sa Binangonan, Rizal.

Batay sa salaysay ni Merryjean Gellido, noong Hulyo 2, araw ng Huwebes ay bigla na lamang pinasok ng nasa 8 miyembro ng Morong Police ang talyer ni Joselito M. Mesa sa boundary ng Mahabang Parang, Binangonan sa pagitan ng 7:00 hanggang 8:00 ng gabi

Pagkakita sa biktima, sinikmuraan at sinampal siya ng mga pulis sa harap mismo ng ama na si Joselito at tinututukan pa ng baril ang mga nakababatang kapatid na kambal na babae at lalaki na nasa 10 ang edad habang nag-iiyakan.

Ayon kay Gellido, pinipilit umano ng isang pulis na kinilala sa alyas “Celestra” na mag-asset ang dalagita subalit tumatanggi ito.

“Hindi nagda-drugs ang pinsan ko, gusto lang ng pulis na si “Celestra” na gawin siyang asset pero ayaw ng pinsan ko,” ang pahayag ni Gellido.

Matapos ang pananakit ay ikinulong ang dalagita at ang kanyang ama, kasama ang dalawang tauhan sa talyer.

Kaagad na na idinulog ng Remate News Team ang kasong ito kay Rizal Police Provincial Office (RPPO) director, P/Col. Renato Alba at sa pamamagitan ng (three way) cellular phone ay nakausap ni Gellido si Col. Alba.

Iniutos ni Alba ang masusinbg imbestigasyon sa kaso.

Sinabi ni Gellido na sa ngayon ay nakakulong sa Morong Municipal Jail ang dalagita, ang ama at ang dalawang tauhan ng talyer matapos imbentuhan ng kaso ukol sa droga.

“Dinala kanina ‘yan sa Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) kaya napiktyuran ng mga kapatid sa VAWC. Ilang araw sila sa kulungan na hindi ipinakita sa mga kapatid. ‘Yun pala ganyan na ang nangyari sa bata,” dagdag na pahayag ng pinsan sa Remate News Team. Toto Nabaja


  •  
  •  
  •  

Loading...