Tumatakas na isnatser nabundol ng bus, tepok

Tumatakas na isnatser nabundol ng bus, tepok

October 10, 2022 @ 4:56 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Agad na binawian ng buhay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na sinasabing snatcher nang masagasaan at pumailalim sa pampasaherong bus habang tumatakas patungo sa Main Avenue Busway Station kaninang tanghali, Oktubre 10 sa Quezon City.

Inilarawan ang naaksidenteng lalaki na nasa edad 35-40, may taas na 5’3, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng blue tshirt at black jogger pants.

Agad namang naaresto ang driver ng Golden dragon passenger Bus (NDO-2907) na si Guillermo Sumadilla Labor, 45 anyos, residente ng Caypombo, Sta. Maria, Bulacan.

Sa imbestigasyon ni PCpl Reinelle De Las Alas ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, bandang 12:40 ng tanghali nang maganap ang aksidente sa EDSA Santolan Flyover Southbound, Brgy. Bagong Lipunan Crame, Q.C.

Binabaybay umano ng bus driver ang southbound lane ng EDSA (carousel lane) patungong Ortigas Avenue, nang biglang tumawid ang lalaki dahilan upang masagasaan ito at pumailalim pa sa sasakyan.

Sinasabing nagnakaw ang lalaki sa isang taxi sa labas ng nasabing istasyon at biglaang tumawid sa barrier ng EDSA Busway upang makatakas pero nabundol ito ng paparating na bus at naipit ang ulo sa gulong na nagresulta ng kaniyang agarang kamatayan. Jan Sinocruz