TUNAY NA BUMABA ANG KRIMEN

TUNAY NA BUMABA ANG KRIMEN

July 23, 2018 @ 6:49 PM 4 years ago


Naglabas ang pulisya ng ulat ukol sa pagliit ng krimeng nagaganap sa buong bansa.

Pinagkumpara ng pulisya ang rekord ng Abril-Hunyo 2017 at Abril-Hunyo 2018 at dito sinasabing lumiit ang bilang ng krimen.

Para sa ating Uzi, ramdam na ramdam ang pagliit ng krimen at tama ang ulat.

Ito’y sa gitna ng  akusasyon ng mga kritiko ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kwestiyunable ang ulat ng pulisya.

BATAY SA BLOTTER

Bumaba ng 16.77% umano ang krimen na nakarekord sa mga police blotter sa buong bansa batay sa naitalang 115,854 kaso nitong Abril-Hunyo 2018 kumpara sa 139,195 noong Abril-Hunyo 2017.

Sa kaso ng mga motorcycle riding suspects (MRS) na isahan o riding-in-tandem, may 959 insidnete lamang ngayong nakalipas na tatlong buwan kumpara sa 1,301 sa parehong panahon noong 2017 kaya bumaba ito sa 26.3%.

Sa ibang salita, kung noon ay nasa 43 kada linggo, ngayon ay 23 lamang.

Nangunguna umano sa MRS ang Central Luzon (166) at sumunod dito ang Calabarzon (149), Central Visayas (121), Metro Manila (95) at Western Visayas (54).

Bumaba rin umano ang homicide ng 27.6% sa pagkakaroon ng kaso ngayon na 2,178 kumpara sa 3,008 noong 2018.

BUMABA SA 2 TAON  

Bumaba naman ang bilang ng mga krimen mula sa 568,291 para sa Hulyo 2016-Hunyo 2017 sa 472,696 para sa Hulyo 2017-Hunyo 2018.

Kitang-kita ito sa walong sentro ng atensyon ng pulisya.

Bumaba ang kasong murder ng 37.48% mula  11,820 noong 2016-2017 sa 7,390 nitong 2017-2018.

Bumaba rin ang homicide mula 2,484 sa 2,444.

Ang rape, lumiit din mula sa 9,204 sa 6,999.

Ang robbery o pwersahang pagnanakaw ay bumaba rin mula sa 18,071 sa 13,098 at theft mula sa 41,175 sa 27,374.

Malaking tulong umano sa pagbaba ng robbery, theft at physical injuries dahil sa aktibong pagkilos ng pulisya at mga barangay official sa pagpapatupad ng mga ordinansa ng mga lokal ng pamahalaan mula sa barangay hanggang sa mga bayan,  lungsod at lalawigan.

INTERNAL CLEANSING

Hindi masyadong diniinan ng pulisya ang internal cleansing o paglilinis sa sariling bakuran na inilunsad nina ex-Philippine National Police Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Oscar Albayalde.

Subalit sa rami ng kanilang sinibak, itinapon sa Mindanao at iba pang kritikal na area ng bansa at dinisiplina ay nakatulong din ng malaki sa pagbaba ng krimen.

Pwera pa rito ang mga paglilinis na isinasagawa ng katulad ni National Capital Region Police Office Director Guillermo Eleazar, Manila Police Director Rolando Anduyan.

Naririyan din ang paglilinis ng mga regional director kagaya ng ginawa ni Chief Supt. Emmanuel Luis D. Licup sa Mimaropa na pagbalasa o pagsibak sa 24 chiefs of police ng mga bayan dahil sa kahinaan sa laban sa droga o kapabayaan o pagiging protektor ng mga kriminal.

Naglinis din sina Chief Supt. Ma. O. Aplasca noong nakaraang taon na nagpapatuloy sa panahon ni Heneral Eleazar at si Heneral Edward Caranza.

Nakatulong din ang pagbuwag ni Hen. Albayalde noong 2017 sa 1,000 Caloocan police dahil sa mga kontrobersyal na kasong tokhang at double barrel.

HUMAN RIGHTS, SIMBAHAN

Siyempre pa, nakatulong din sa paghupa ng mga krimen ang mga kritiko, lalo na ang simbahan at grupong human rights.

Natimpla lalo na ang galaw ng mga iskalawag na na umabuso sa kanilang tungkulin.

Sa pang-aabuso, naririyan ang mga pagpatay na wala na sa saklaw ng gabay ng Pangulo ng bansa na titira lang ang mga ito kung nakataya na ang kanilang buhay sa paggampan nila ng tungkulin.

TULONG NG MAMAMAYAN

Ang isang napakahalaga ngayon ay ang lakas ng loob ng mga mamamayan na sumali sa pakikipaglaban sa krimen.

Kumikilos at napakaaktibo ang PNP counter intelligence sa pag-aresto sa mga iskalawag basta mangahas ang mamamayan na magsumbong sa pulisya sa mga mapang-abusong awtoridad.

Ang office of the President na sumusubaybay sa mga impormasyon sa mga complaint center sa 8888 ay napakahalaga rin ang ginagampanan sa pagsupo sa krimen, lalo’t ang Pangulo ay personal na tumitingin dito.

Tumatanggap din ang Pangulo ng personal na pakikipagkita sa mga biktima ng krimen at pumupunta pa siya mismo sa mga biktima.

Nakatulong din nang husto ang mabagsik na tugon ng pamahalaan sa mga iskalawag, sindikato at iba pang kriminal

TULUNGAN

Ang susi talaga laban sa krimen ay tulungan ng lahat at hindi ang laging paninisi sa kung sino-sino tuwing may maganap na krimen. – ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA