Tunay na pagbabago sa sports itutulak ng SLP, COPA

Tunay na pagbabago sa sports itutulak ng SLP, COPA

December 8, 2022 @ 2:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagkaisa ang mga lider ng Swim League Philippines (SLP) at Congress in Philippine Aquatics, Inc. (COPA) — dalawa sa pinakamalaki at organisadong swimming association sa bansa — na napapanahon na kumilos at magkaisa ang buong swimming community upang makamtan ang tunay na pagbabago at kaunlaran sa sports.

Iginiit ni COPA Board member at collegiate coach Chito Rivera na makatutulong sa pagbuo ng maayos at organisadong National Sports sa swimming ang pagsasama-sama ng lahat ng stakeholders upang marinig ang lahat ng boses at mahimay ang mga priorodad na pangangailangan upang maisulong ang tamang programa na nakatuon sa kaunlarang ng sports at pag-angat ng kalidad ng talent ng kabataang Pinoy na maisasabay sa high-level international competition.

“Tapos na ang mga bangayan na yan. Wala ng nang pilian ng kulay at pagkakawatak-watak. I suggest, magkaroon ng swimming Summit para lahat mapakingan at mabigyan ng pansin. Wala dapat maiwan lalo’t iisa lang naman ang gusto nating mangyari sa swimming. Let’s be sincere. Let’s step forward going to one direction,” pahayag ni Rivera, binuo ang COPA kasama ang mga premayong pangalan sa industriya tulad nina Richard Luna, Darren Evangelista at Olympian at nahalal na Congressman ng Batangas 1st District na si Eric Buhain.

“The recent FINA decision withdrawing the recognition to the Philippine Swimming, Inc. (PSI) is a gift for the swimming community. Pero hindi natin maitatanggi na nakalulungkot ito para sa ating bansa dahil umabot pa sa ganitong sitwasyon ang lahat para lang mabigyan ng daan ang pagbabago. Ngayon, patunayan natin na magagamit natin ito para sa kapakanan ng mga atlta at coaches sa swimming sa pangkalahatan,” sambit ni Rivera, head coach ng Jose Rizal College swimming squad.

Kinatigan ni SLP president Fred Ancheta ang mga tinuran ni Rivera at iginiit na patuloy na makikiisa ang kanilang asosasyon na may kabuuang mahigit 100 miyembro club at association sa anumang magiging desisyon ng tinalagang Stabilization Committee ng FINA sa gabay ng Philippine Olympic Committee (POC).

“Mula nang mabuo ang SLP sa gabay ng namayapang Susan Papa at ng aming chairman na si Joan Mojdeh, nakatuon kami sa grassroots development program. Yung pulitika, hahayaan po naming yan sa mas nakakaunawa sa mga sitwasyon. Susuportahan namin ang mga pagkilos para maisulong pagbabago, ngunit hindi kami bibitiw sa adhikain naming maitaas ang kalidad ng swimming sa grassroots level,” sambit ni Ancheta.

Sa mahigit isang dekada na programa, nakapag-produce ang SLP ng mga kabataan na kasalukuyang ngayong namamayagpag sa international scene tulad nina World Junior Championship semifinalist at National junior record holder Jasmine ‘Water Beast’ Mojdeh, Aminah Bungabong, collegiate phenom Hugh Parto, Yohan Cabana at Marcus DeKam.

Sa panig ng COPA, hindi lamang mga kabataang may kakayahan sa buhay ang mga napagsisilbihan bagkus maging ang mga mag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan na libreng nakakasali sa programa na conceptualized ni Cong. Buhain.

Sa maiksing panahon, nakipagtambalan na ang COPA sa LGU’s at sa Department of Education (DepEd) para sa nationwide program ng COPA kaakibat ang coaches at teachers education program.

Ang 11-anyos na si Nicola Diamante mula sa La Pinas at isa sa ‘Diamond Star’ na nalikha ng COPA matapos tanghaling Most Outstanding Swimmer sa bawat torneo na lahukan. Sa kabuuan may 20 gintong medalya na maipagmamalaki si Diamante.

“Pangarap ko po na maging Olympian, kaya ngayon pa lang focus ako sa training ko at sinusunod ko yung mga pograma ni coach Anthony (Reyes). Hopefully po, talagang mabigyan kami ng suporta para matupad yung pangarap naming,” sambit ni Diamante na isa ring honor student sa la Pinas Elementary School.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Ancheta na nakipagtambalan ang SLP sa ilang local government unit tulad ng Marikina, Taguig, at Muntinlupa City para mas mapalawig ang programa at mas maraming kabataan ang ma-involved sa sports.

“During the Ruffy Biazon Swim Cup, we recorded a record field of 1,200 swimmers. Nagdesisyon na si Mayor Biazon na mag-host uli ng Christmas swim this coming Dec. 10 para maacommodate pa yung kalati ng bilang ng mga atleta,” pahayag ni Ancheta.RICO NAVARRO