TUNAY NA SERYOSO PARA SA KATARUNGAN

TUNAY NA SERYOSO PARA SA KATARUNGAN

November 25, 2022 @ 1:30 AM 2 months ago


IPINAKIKITA sa kahit kanino, kahit pa sa mga kritikong binubuo ng human rights group sa loob at labas ng bansa, ang pagiging seryoso ng pamahalaang Pilipinas sa pagsugpo sa mga iskalawag na may kaugnayan sa mga karahasan at patayan sa droga.

Itong kaso nina police officer Jefrey Perez and Ricky Arquilita ang isang matibay na pruweba ng paggana ng korte ng Pilipinas laban sa mga umabuso sa kanilang kapangyarihan sa kampanya laban sa droga.

Sinentensiyahan si Perez ng dalawang beses na pagkakulong habambuhay sa pag-torture at pagtatanim ng ebidensya laban kina Carl Arnaiz, 19, at Reynaldo “Kulot” de Guzman, 14, noong Agosto 2017.

Hindi nasentensiyahan si Arquilita dahil namatay ito sa sakit habang nakakulong.

Natagpuan ang bangkay ni Arnaiz sa isang morgue sa Caloocan City at ni De Guzman sa isang kanal sa Gapan, Nueva Ecija makaraan ang ilang araw ng kanilang pagkawala.

Huling nakita ang dalawa sa bisa ng CCTV na nasa Barangay 28 sa Caloocan noong Agosto 17, 2017 at kung bakit naroon sila sa kabila ng residente sila ng Cainta, Rizal ay hindi malinaw.

HUKUMAN SA CALOOCAN

Lumilitaw na nahati sa dalawang hukuman ang kaso laban kina Perez at Arquilita na parehong pulis-Caloocan.

Ang kasong torture ang nasakop ng hukuman ni Judge Rodolfo Azucena sa Caloocan regional trial court habang sakop ng hukuman sa Navotas ang kasong murder.

Sa Caloocan, lumalabas na hindi lang si Perez ang hinatulang nagkasala ni Judge Azucena sa maling kampanya sa droga kundi tatlo pang pulis at naganap iyon noong 2018.

Para kay Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr, naging patas ang desisyon ng huwes.

HINDI MASASABING WALANG MAMAMATAY

Sa kabila ng kampanya na hindi na magaganap ang mga kwestiyunableng gawa ng mga iskalawag, iniulat na rin ni PNP chief Azurin na mayroon nang 46 na napapatay na may kaugnayan sa droga simula noong umupo si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos noong July 1, 2022.

Nasa 32 na ang napapatay ng mga pulis habang 14 ang napapatay ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Talagang marami sa mga sangkot sa droga ang nakikipagpatayan upang hindi lang sila makulong.

Sa atin, tama lang na pairalin ang matagal nang sinasabi mismo noon ni Pang. Rodrigo Duterte na kung nakataya o nanganganib na ang buhay ng mga pulis, kailangang umaksyon na sila bago sila mapatay ng mga nasa droga.

INTERNATIONAL CRIMINAL COURT

Malinaw na gumagana ang mga hukuman ng bansa sa mga patayan at iba pa sa droga.

Nahuli at hindi tinutulan ng pamahalaang Duterte ang pagdakip ng mga kapwa nila pulis ang mga hinatulang nagkasala sa murder, torture at pagtatanim ng ebidensya tulad nina Perez at Arquilita.

Hindi rin nito tinutulan ang 25 kasong nililitis ng hukuman laban sa mga pulis na umabuso sa kanilang kapangyarihan noong 2016 hanggang Hunyo 2022.

At dahil buhay na buhay ang hukuman at malaya itong naka-pagdedesisyon at hindi dinidiktahan ng snoman, hindi dapat makialam ang International Criminal Court.

Gusto ng mga kritiko na makialam ang ICC ngunit nasa likod nito ang pamumulitika at hindi lang basta gustong magkaroon ng hustisya ang mga biktima.