‘Tungkulin ng Estado, protektahan ang batang Pilipino’ — Bong Go

‘Tungkulin ng Estado, protektahan ang batang Pilipino’ — Bong Go

December 14, 2022 @ 3:01 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tagapagtaguyod ng kapakanan at proteksyon ng mga bata, iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagbuo ng mas malakas na mga programa na nagpoprotekta sa kabataang Filipino.

Binigyang-diin ni Go na trabaho ng gobyerno na tiyakin na ang mga batang Pilipino na itinuturing na isa sa mga pinakamahinang sektor at hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili ay protektado dapat sa lahat ng oras.

“Unahin natin ang mga mahihirap, mga hopeless at helpless, mga walang laban tulad ng mga kabataan. Proteksyunan natin ang kanilang kapakanan,” apela ni Go.

Sa isang courtesy call kamakailan, binanggit ni United Nations (UN) special rapporteur on the sale at sexual exploitation of children Mama Fatima Singhateh na ang Pilipinas ay nananatiling pangunahing pinagmumulan ng child trafficking, sale, sexual abuse, forced marriage and labor, bukod sa iba pa.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pagtaas ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) sa pagsasabing bansa ay nangunguna sa mga kaso ng pagsasamantala sa bata.

Sa isa namang panayam matapos ang relief activity na personal niyang pinamunuan sa Bocaue, Bulacan, idiniin din ni Go ang apela ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na magkaroon ng mas malakas na interbensyon ang gobyerno laban sa pagsasamantala at karahasan sa bata.

“Nakababahala at nakalulungkot po kung mga kabataan pa po ang nagiging biktima dito. Tungkulin ng Estado, tulad ng magulang ng bansa, na protektahan ang kanilang mamamayan, lalo na ang mga hindi kayang protektahan ang kanilang sarili, tulad ng mga bata na vulnerable po at walang magawa,” diin ni Go.

Muling inihain ni Go ang panukalang amyendahan ang Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act” sa layong pahusayin ang mga hakbang sa pagpoprotekta sa kabataan.

Ang Senate Bill No. 1188 ay mag-amyenda sa Seksyon 5 (b) ng Anti-Child Abuse Law tungkol sa parusa para sa mga taong nagsasagawa ng sekswal na aktibidad sa mga menor de edad na wala pang 12 taong gulang.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang mga kahalayan sa isang menor de edad na wala pang 12 taong gulang ay pinarurusahan ng reclusion temporal habang ang parehong aksyon na ginawa laban sa isang bata na higit sa 12 taong gulang ngunit wala pang 18 taong gulang ay pinarusahan ng reclusion temporal sa medium period nito sa reclusion perpetua.

Sa panukalang pag-amyenda, itataas ang parusa sa reclusion temporal sa medium period nito hanggang reclusion perpetua para sa sinumang indibidwal na mapatutunayang nagkasala sa batas sa ilalim ng nasabing probisyon.

“I am willing to support such measure basta maproteksyunan ang ating mga kabataan. Ayaw nating maabuso ang mga kabataan, mga kabataan ang kinabukasan ng ating bayan. Dapat natin silang proteksyunan,” idiniin ni Go. RNT