TUPAD GAMIT SA QUEZON POLITICS

TUPAD GAMIT SA QUEZON POLITICS

April 26, 2022 @ 6:42 PM 2 months ago


MATINDI ang alegasyon ng ilang ‘aping’ residente na ang programang Tulong Pangkabuhayan para sa Displaced Workers (TUPAD) ay ginagamit ng ilang malalaking politiko sa pamumulitika sa Quezon.

Ang pamilya ni Governor Danilo Suarez sa Quezon ay matagal nang inaakusahan ng pagsasamantala sa programa ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Si Suarez,  ang kanyang maybahay na si Quezon 3rd District Rep. Aleta Suarez, anak na si Quezon 2nd District Rep. David “Jayjay” Suarez, manugang na si ALONA Partylist Rep. Ana Marie Villaraza-Suarez at anak na si Provincial Board Member Donaldo Suarez ay pawang tumatakbo para sa reelection samantalang ang isa pang anak nitong si Danilo Suarez Jr. ay kumakandidato namang mayor sa Unisan, Quezon na kanilang home town.

May mga akusasyon na hindi raw ganu’n kaepektibo ang programa dahil napakaraming tao na napapabilang dito ang hindi kabilang sa sinasabing “displaced workers” bunga ng Covid-19 pandemic.

Karamihan umano sa mga ito ay kaanak at kaibigan ng coordinators at barangay captains ng pamilya Suarez.

Sa halip na isagawa bayan-bayan ang pay-out sa TUPAD workers, iniipon ang mga ito sa Quezon Convention Center sa Lucena City at iba pa convention centers at sports complex, at ginagastusan ng pamahalaang panlalawigan sa libreng pagkaon sa kanila, pagpapakain mula umaga hanggang hapon at paghahatid pabalik.

At sa loob ng venue, ang libo- libong TUPAD workers ay obligadong makinig sa mga pagsasalita at pagtatalumpati ng lahat na kandidato ng Suarez political clan bago isagawa ang actual na pay-out.

At sa pinakahuling pay-out na isinagawa nila noong Miyerkules Santo na dinaluhan ng mahigit 4,000 TUPAD worker, tahasan umanong namulitika ang gobernador.

Doon, sa pamamagitan ng video, pinakita ng gobernador ang mga detalye habang ipinapaliwanag ang naganap na bigong pagpatay sa kanyang political ally na si Infanta, Mayor Grace America noong Feb. 27, gayundin ang mahigit dalawang toneladang shabu na nahuli sa nasabing bayan makalipas ang isang linggo na ayon sa kanya ay gagamitin sanang campaign fund kung sakaling naging pera.

Sa kanyang pagsasalita, hindi direktang ibinintang ng gobernador sa kanyang katunggali ang responsibilidad sa dalawang krimen subalit iyon umano ang ipinakikita ng body language nito.

Ayon sa mga saksi, malinaw anilang ginagamit ng pamilya Suarez sa pamumulitika ang TUPAD gayundin ang iba pang mga programa ng pamahalaang nasyunal tulad ng Assistance to Individuals In Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development.

Bukas ang ating pitak para sa mga Suarez kung nais nilang pasubalian ang mga alegasyon laban sa kanila.