TUPAD ililipat sa pangangasiwa ng DOLE

TUPAD ililipat sa pangangasiwa ng DOLE

November 16, 2022 @ 10:42 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagkasundo ang mga senador nitong Martes na lumikha ng special provision sa 2023 budget na maglilipat ng implementasyon ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program sa Department of Labor and Employment (DOLE) mula sa local executives.

Sa plenary deliberations ng P49.223 billion proposed budget ng DOLE para sa 2023, sinabi ni Senator Raffy Tulfo na dapat na ang ahensya ang humawak ng emergency employment program at hindi mga lokal na opisyal, at idinagdag na nakatanggap ng mga ulat na ilang mga lokal na politiko ang ginagamit ang programa para sa korapsyon at electioneering.

“Para sa akin po, dapat ang magbibigay derecho mula sa DOLE.  Ang dapat mag-identify ng beneficiaries dapat DOLE because it is the one who has the qualification and the knowhow kung sino ba talaga ang nangangailangan ng trabaho,” anang senador.

“Ang lumilitaw po, nagagamit sa election ang TUPAD. ‘Yun lang po ang pinupunto ko rito,” dagdag ni Tulfo.

“What I’m against is, ‘yun bang sa distribution, na kung minsan di din patas ang pagbibigay ng TUPAD sa mga tao sapagkat ang nakikinabang ay mga kamag-anak, kaibigan, kasambahay, driver, what have you, ng mga politiko at nagagamit sa election,” aniya pa.

Sinang-ayunan naman ito ni Senate Pro Tempore Loren Legarda, sponsor ng budget ng DOLE, at sinabing isasama sa budget ang special provision.

“Dahil sa inyong mungkahi, magkakaroon tayo ng special provision na derecho by administration ang DOLE-TUPAD,” aniya.

Sa ilalim ng 2023 budget ng DOLE, makatatanggap ang TUPAD program ng P25.8 billion sa susunod na taon.

Ang TUPAD program ay isang community-based assistance na nagbibigay ng emergency employment sa displaced workers, unemployed at seasonal workers, sa minimum na 10 araw sualit hindi lalampas ng 30 araw, depende sa uri ng trabaho.

Una itong ipinatuad upang magbigay ng job opportunities sa targeted beneficiaries sa kasagsagan ng COVID-19 outbreak noong 2020. RNT/SA